Skip to content

October 15 - 6 am NEWS

October 15 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 15, 2026 | 7:50 AM

Matunog sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipapalit si Speaker Faustino “Bojie” Dy III kay Vice President Sara Duterte sa sandaling i-convict ito ng Senate Impeachment Court sa kasong unexplained wealth at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Sa impormasyong nakarating sa Abante, tanging si Dy umano ang puwedeng makapag-isa sa administration at opposition dahil wala itong bahage at hindi nag-aambisyon na maging pangulo ng bansa kaya ito ang napipisil na ipapalit kay Duterte sa OVP.

“Kailangan kasi neutral at walang bahid ang ipapalit kay VP Sara sa OVP at walang ambisyon sa presidency,” ayon sa impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.

Sa ilalim ng batas, pagbobotohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso kung sino sa mga incumbent Congressmen at Senators ang ipapalit kapag nabakante ang OVP sa iba’t ibang kadahilanan.

Noong 2001, iniluklok ng Kongreso si dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel bilang pangalawang pangulo matapos mabakante ang OVP dahil ang noo’y Vice President Gloria Macapagal Arroyo ay naging otomatikong Pangulo matapos matanggal sa puwesto si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

“Hindi lang sa Senado manggagaling ang OVP, puwedang manggaling sa House,” paliwanag ng impormante kaya matunog ang pangalan ni Dy na ipapalit kay Dutertes sa OVP kapag na-convict ito.

Si Dy ay ihinalal bilang Speaker of the House noong September 17, 2025 nang magresign si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker matapos madawit ang kanyang pangalan sa flood control project scandal.

Sa ngayon ay nahaharap naman sa impeachment trial si Duterte at bagama’t wala pang kasiguraduhan kung mako-convict ito ay naghahanda pa rin umano ang Kongreso para sa magiging kapalit ng una kung sakali.

Nilinaw ng impormante na hindi pa sigurado kung mako-convict si Duterte dahil nagpapatuloy pa ang paglilitis sa Impeachment court subalit pinaghahandaan na umano ngayon ng Kongreso ang anumang senaryo.

Dalawa lamang ang puwedeng ipataw na parusa ng Impeachment court kapag nag-convict ang isang impeachable official na kinabibilangan ng pagtanggal sa kanya sa puwesto at hindi na papayagang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno. (Bernard Taguinod)

---

Dumami ang mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng gutom at walang makain.

Ayon sa Social Weather Stations, umakyat sa 22.6% nitong Setyembre ang mga pamilyang nakaranas ng gutom mula sa 20.3% noong Hunyo.

Ibig sabihin, mahigit isa sa bawat limang pamilya ang nakaranas ng gutom kahit minsan sa loob ng tatlong buwan bago ang survey noong Setyembre 21–27.

Mas nakababahala ang pagdami ng mga pamilyang madalas o palaging nagugutom na umakyat sa 6.4% mula sa 4.5%, na siyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng kabuuang antas ng gutom.

Bahagya ring tumaas sa 16.2% mula sa 15.8% ang mga pamilyang minsan o ilang beses na nagutom.

Pinakamarami ang nagugutom sa Metro Manila, kung saan tumalon sa 27% ang dami ng pamilyang nagugutom mula sa 21% noong Hunyo. Sa iba pang bahagi ng Luzon, pumalo sa 23.6% mula sa 17.3% ang nakaranas ng gutom. (Eileen Mencias)