Lumahok ang Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang mga maritime counterpart mula Indonesia at Japan, sa send-off ceremony ng 24th Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2026 sa Bitung Port, North Sulawesi, Indonesia noong Oktubre 12, 2026.
Kabilang sa mga lumahok na barko ang BRP Gabriela Silang at BRP Tubbataha ng PCG, KN Sarotama ng Indonesia, at PLH Shikishima ng Japan Coast Guard.
Minarkahan ng seremonya ang pag-alis ng mga barkong kalahok matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay, na naglalayong palakasin ang kahandaan at kakayahan ng mga bansa sa pagtugon sa mga insidente ng polusyong pandagat.
Sa pagtatapos ng MARPOLEX 2026, pinagtibay ng PCG ang pangako nitong palawakin ang kooperasyong panrehiyon at isulong ang sama-samang pagkilos para sa pangangalaga ng yamang-dagat at kaligtasan ng karagatan.
---
Pinaiigting ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay sa mga pantalan at hangganan ng bansa sa inaasahang pagdami ng mga inaangkat na produkto at balikbayan boxes ngayong papalapit ang kapaskuhan.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, patuloy ang kanilang pagpapatupad ng mga regulasyon, inspeksyon at anti-smuggling operations upang matiyak ang maayos na pagproseso ng mga kargamento sa panahon ng dagsa ng mga padala mula sa ibang bansa.
Kabilang din sa tinututukan ng ahensya ang mga reklamo kaugnay ng mga balikbayan box na hindi nakararating sa mga dapat makatanggap nito.
Sinabi ni Nepomuceno na patuloy ang koordinasyon ng BOC sa mga bansang pinagmumulan ng maraming padala ng mga Pilipino upang matugunan ang mga kumpanyang umano’y nanloloko sa mga nagpapadala ng balikbayan boxes.
Layunin din ng koordinasyong ito na mapigilan ang mga kumpanyang sangkot sa ganitong gawain na makapagparehistro o makapagpatuloy sa kanilang operasyon.
Dahil dito, pinayuhan ang mga overseas Filipino worker at iba pang nagpapadala ng balikbayan boxes na tiyaking lehitimo ang kanilang napipiling cargo o forwarding company at itago ang mga resibo at dokumento ng kanilang transaksyon.
Tiniyak naman ng BOC na magpapatuloy ang pagbabantay nito upang maprotektahan ang mga mamimili at matiyak na nasusunod ang mga patakaran sa pagpasok ng mga produkto at kargamento sa bansa.