Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Task Force El Niño na tiyaking bukas ang lahat ng mga pampublikong ospital, mayroong kuryente at sapat na kagamitan at supply sa pagtugon sa mga sakit sa panahon ng tagtuyot.
Sa harap na rin ito ng inaasahang epekto ng super El Niño sa kalusugan ng mamamayan tulad ng naranasan sa nakalipas na El Niño kaya dapat na itong paghandaan.
Ayon sa Pangulo, mahalagang mabantayan ang kalusugan ng publiko sa panahon ng tagtuyot upang masiguro ang kaligtasan habang nararamdaman ang epekto ng super el niño.
Sinabi ng Pangulo na dapat siguraduhing umaandar ang mga generator sa mga pampublikong ospital upang magtuloy-tuloy ang operasyon at hindi malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga pasyente.
Sinabi ng Pangulo na tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa inaasahang epekto ng super El Niño sa bansa. (Aileen Taliping)
---
Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga lupa na umano’y inuugnay sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Nakakabahala na ang National Bureau of Investigation (NBI), na pinopondohan ng taumbayan, ay ginagamit ang kanilang mga operasyon para sa mga gawaing walang malinaw na pakinabang sa publiko,” diin ni Duterte nitong Martes.
“Ang lote sa larawan na sinabi niyang nasa aking Statement of Assets, Liabili¬ty, and Net Worth o SALN ay hindi sa akin,” giit ng pangalawang pangulo.
Binanggit din ni Duterte ang umano’y pagkakatanggal ng NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings.
“Ang ganitong panlilinlang sa publiko ay ang dahilan kung bakit inalis ang NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings—dahil sa mga alegasyon na muli na naman silang naglahad ng mga ebidensiyang kuwestiyonable tulad noong Gracioso affidavit,” aniya.
“Kung pera ng taumbayan ang ginagamit sa pagpapatakbo ng isang ahensiya, nararapat lamang na tiyakin na ang bawat hakbang nito ay naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan, at nagsisilbi sa interes ng sambayanan,” pahayag pa ni Duterte. (Angelika Malillin)