Inaprubahan na ng House Committee on Energy ang panukalang batas na naglalayong alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente.
Sa ilalim ng naturang panukala, layuning hindi na ipasa sa mga konsyumer ang gastusing dulot ng inefficiency at non-technical losses sa sistema ng distribusyon ng kuryente.
Dagdag pa rito, hangad din nitong palawakin ang paggamit ng sariling power generation system sa mga tahanan.
Matatandaang nabanggit ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) bilang isa sa mga prayoridad na nangangailangan ng legislative action upang matugunan ang mataas na singil sa kuryente sa bansa.
Kaugnay nito, bumuo rin ang Department of Energy o DOE ng isang inter-agency task force upang mapabilis ang pagpaplano at pagsasakatuparan ng layuning ito.
**********
Iginiit ni Vice President Sara Duterte na may seryosong implikasyon sa kanyang seguridad at maging sa seguridad ng bansa ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinuturing na usapin ng national security ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa China.
Sinabi ni Duterte na ang naturang pahayag ay tila pag-amin ng administrasyon na itinuturing siyang isang national security concern. Ayon sa kanya, maaari itong gamitin bilang katwiran upang siya ay imbestigahan at tutukan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Naniniwala rin ang Bise Presidente na maaaring magbigay ng maling mensahe ang naturang pahayag sa mga negosyanteng Pilipino na may transaksyon sa China at posibleng makaapekto sa ugnayan ng dalawang bansa.
Naniniwala rin si VP Sara na ang mga ibinabatong alegasyon na mayroon siyang ill-gotten wealth ay may kinalaman sa kanyang planong pagtakbo sa 2028 presidential elections.
**
Tinanggihan ng Court of Appeals (CA) ang motion for reconsideration ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay ng nauna nang pagbasura sa kanyang petisyon para sa writ of habeas corpus.
Sa desisyon noong Oktubre 5, iginiit ng CA na hindi angkop na remedyo ang habeas corpus sa kaso ni Guo dahil siya ay kasalukuyang nakadetine matapos mahatulang guilty sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng isang POGO hub sa Bamban.
Iginiit ni Guo na ilegal ang kanyang pag-aresto at nakabatay sa umano’y unconstitutional findings ang deportation proceedings laban sa kanya. Gayunman, sinabi ng CA na ang writ of habeas corpus ay ginagamit upang palayain ang mga taong iligal na nakakulong.
Binigyang-diin din ng korte na wala itong nakitang paglabag sa constitutional rights ni Guo, tulad ng karapatan sa speedy trial at kalayaan, na magbibigay-katwiran sa pag-isyu ng writ.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakapiit si Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.