Skip to content

October 1 - 7 am NEWS

October 1 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Oct 01, 2026 | 8:16 AM

Malapit nang ihain ang extradition petition para kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida.

"We're in the final stages already of the vetting. Nagle-legal scrubbing na lang kami. We're almost ready to file that petition," ani Vida sa press briefing ngayong Huwebes, Oktubre 1.

Dagdag ni Vida, susunod ang Pilipinas sa mga obligasyon nito sa ilalim ng extradition treaty sa United States.

Pormal na hiniling ng United States ang extradition ni Quiboloy noong Agosto kaugnay ng federal indictment laban sa kanya noong 2021 sa California.

Nahaharap siya sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion; sex trafficking of children; substantive sex trafficking; conspiracy; at bulk cash smuggling. — Karagdagang ulat mula kay Renalyn Ramirez

---

 Inalis ng House prosecution panel si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa lineup ng mga witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Nauna nang sinabi ng prosecution na ihaharap si Trillanes para magbahagi ng bagong impormasyon kaugnay ng mga alegasyon ng unexplained wealth at hindi pagdedeklara ng assets sa SALN ni Duterte.

Noong Setyembre 24, hiniling pa ng prosecution sa Senate impeachment court na ipatawag si Trillanes para tumestigo kaugnay ng Article II. Inaasahang tatalakayin niya ang mga financial records at alegasyong una na niyang iniharap sa House impeachment proceedings.

Bago inanunsyo ang desisyong alisin si Trillanes nitong Huwebes, hinikayat pa ni Sen. Raffy Tulfo ang prosecution na iharap muna ang dating senador bago ang executive director ng Anti-Money Laundering Council. Ayon kay Tulfo, maaaring beripikahin ng AMLC ang anumang bank accounts o transaksyong ilalahad ni Trillanes.