Ipinakilala ni Pope Leo XIV ang kauna-unahang babaeng communications chief ng Vatican nitong Biyernes, Nobyembre 6.
Sa pagpupuri sa kaniyang karanasan, pagkamalikhain, at kasiglahan, itinalaga ng Vatican ang Mexican-American na si María Montserrat Alvarado sa paniniwalang kakailanganin nito ang makabago at impormal na paraan sa pagsulong ng mga adhikain nito.
Dating ulo ng EWTN Catholic Television Network si Alvarado, ang pinakamalaking Catholic broadcasting network sa buong mundo, bago ito maitalaga bilang Discatery for Communication ng Vatican at Holy See kung saan pinalitan niya sa opisina si Paolo Ruffini.
Samantala, umaasa naman ang Vatican sa paghalili ni Alvarado sa naturang posisyon na may kasaysayan ng pambabatikos dahil sa umano’y isyung pinansiyal at staffing, maging sa mabagal nitong pagtugon sa mga mamamahayag.
---
Mahigit 40 pilot whales ang naitalang nasawi matapos ma-stranded sa isang pampang sa New Zealand nitong Huwebes.
Namataan ang lupon ng mga pilot whale sa Ngawi coast malapit sa Cape Palliser sa North Island, New Zealand, ayon sa pahayag ng Department of Conservation (DOC) ng bansa.
Sa inisyal na ulat ng Project Jonah New Zealand, isang environmental organization, higit 20 na balyena ang naunang ma-stranded sa pampang kung saan buhay pa ang apat sa mga ito.
Dagdag pa ng organisasyon, nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga ahensiya ng gobyerno ng New Zealand, maging sa lokal na tribo ng Maori, upang magsagawa ng paglilikas sa buhay pang mga balyena sa pampang at pagsusuri sa kalusugan ng mga ito.
Subalit nitong nagdaang Biyernes, tumambad sa DOC ang 43 patay na balyena sa kilometrong kahabaan ng baybayinng Ngawi hanggang baybayin ng Mangatoetoe.
Batay sa DOC, madalas ma-stranded sa pampang ang nasabing uri ng balyena ngunit anila’y hindi pa malinaw ang tunay na sanhi nito.