Skip to content

November 9 - 7 am NEWS

November 9 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 09, 2026 | 8:13 AM

Naglaan ang gobyerno ng P38.2 bilyon sa ilalim ng 2027 proposed national budget upang matulungan ang mga mahihirap na estudyante na nasa pribadong paaralan dahil malayo ang pampublikong paaralan sa kanilang komunidad o hindi na kayang tanggapin ng mga pampublikong paaralang siksikan na.

Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, nasa 2.3 milyong estudyante ang inaasahang makikinabang sa inilaang pondo.

“The subsidies will give underprivileged students a greater opportunity to continue their education despite their families’ financial difficulties and the limited capacity of public schools,” sabi ng mambabatas.

“Without this assistance, many students risk abandoning their studies, particularly those whose families are struggling to make ends meet and who may be forced to seek work instead of completing high school,” dagdag ni Libanan.

Sa P38.2 bilyong pondo, P12 bilyon ang inilaan para sa Junior High School Educational Service Contracting Program (JHSESC), P24 bilyon para sa Senior High School Voucher Program (SHSVP), at P2.2 bilyon para sa Joint Delivery Voucher Program (JDVP). (Billy Begas)

---

Tiyak na magiging masaya ang mga kawani ng gobyerno ngayong holiday season dahil bukod sa tatanggaping year-end bonus at cash gift ay makakatanggap din ang mga ito ng P30,000 Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive pagsapit ng Disyembre.

Ang CNA para sa fiscal year 2026 ay bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga kawani ng gobyerno sa mas pinahusay na paghahatid ng serbisyo publiko, mataas na productivity at mas episyenteng operasyon ng gobyerno.

Batay sa circular na pinirmahan ni acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, ang insentibo ay inaashaang matatanggap ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno sa Disyembre 15 kung makasunod ang mga ahensiya ng gobyerno sa requirements.

Nilinaw ng DBM na ang P30,000 CNA ay hindi eksaktong makukuha at nakadepende sa ahensiya kung magkano ang matatanggap ng kawani batay sa savings ng tanggapan para pondohan ang insentibo.

Kabilang sa mga maaring makatanggap ng insentibo ay regular, contractual o casual ang posisyon sa gobyerno, rank and file employees at iba pa. (Aileen Taliping)