Kumpiyansa umano ang Philippine National Police na matutunton at maaaresto rin sa lalong madaling panahon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng patuloy nitong hindi pagharap sa mga awtoridad.
Ayon kay Philippine National Police Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi habambuhay na makapagtatago ang isang taong pinaghahanap ng batas, lalo na’t unti-unti na umanong nalilimitahan ang mga lugar na maaari nitong puntahan.
Umaasa umano si Nartatez na malapit na nilang mahanap ang senador habang nagpapatuloy ang kanilang operasyon upang maipatupad ang arrest warrant na inilabas laban dito.
Tiniyak din ng hepe ng pambansang pulisya na hindi humihinto ang kanilang paghahanap at tuloy-tuloy ang koordinasyon nila sa iba pang law enforcement agencies, partikular sa mga yunit na may kakayahang magsagawa ng intelligence operations.
Nagsasagawa na rin umano ang mga awtoridad ng operasyon 24 oras kada araw upang masuri at maaksyunan ang bawat impormasyong maaaring magturo sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
***
Binalaan ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP sakaling mapatunayan nagkaroon ng iregularidad sa kulungan.
Hindi aniya siya magdadalawang isip na tanggalin mula sa serbisyo o ‘i-dismiss’ ang mga ito sa oras na matukoy ang kanilang pananagutan.
Tiyak daw na unang papanagutin ang mga nakatalagang magbantay sa kulungan na posibleng maharap din sa ‘forfeiture’ o pagbawi ng lahat na matatanggap na benepisyo.
Alinsunod ang babala nang lumitaw ang isyu patungkol sa pagkakaroon umano ni dating House Speaker Martin Romualdez ng ‘personal assistant’ sa loob ng kulungan.
Magugunitang inamin mismo ito ni New Quezon City Jail Male Dormitory Warden Supt. Maria Lourdes Pacion nang humarap sa Sandiganbayan.
Mariing inalmahan ni Ombudsman Remulla ang naturang impormasyon nagsasabing merong ‘special assistant’ sa loob ng kulungan ang dating house speaker.
**
Mahigpit na binalaan ng Department of Energy ang mga kumpanya ng langis laban sa pagpapatupad ng “pautay-utay” o staggered na malakihang rollback na magsisimula bukas, Nobyembre 10.
Ayon sa pamunuan ng ahensya, posibleng maharap sa kaukulang show-cause order at masusing inspeksyon ang sinumang kumpanya na hindi susunod sa naturang direktiba.
Kaugnay ito ng malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo kung saan aabot sa P16.80 bawat litro ang bawas sa gasolina, P4.10 sa diesel, at P3.70 sa kerosene.
Paliwanag ng DOE, ang malaking tapyas-presyo ay direktang bunsod ng pagbagsak ng halaga ng langis sa international market dahil sa pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Mariing iginiit ni DOE Undersecretary Alessandro Sales na hindi pinapayagan ang pautay-utay na reduction dahil mandated o utos ito ng ahensya habang umiiral pa rin ang state of calamity dahil sa patuloy pa rin ng tensyon sa Middle East.