Pinakiusapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga shopping mall sa buong Luzon na magbigay ng libreng overnight parking para sa mga motorista na posibleng maapektuhan ng paparating na bagyong Uwan.
Ayon sa inilabas na memorandum ng MMDA, ang panukalang ito ay magsisimula sa Sabado ng gabi at mananatili hanggang sa tuluyang pagdaan ng bagyo sa rehiyon.
Nagpasalamat din ang MMDA para sa mga shopping mall operator na susunod sa abiso ng pamahalaan na malaking tulong para maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino sa gitna ng inaasahang magiging epekto ng bagyong Uwan.
Samantala batay sa state weather bureau, ang bagyong Fung-wong (“Uwan”) ay inaasahang lalakas pa at magiging super typhoon bago ito mag-landfall sa katimugang bahagi ng Isabela o hilagang bahagi ng Aurora sa Linggo.
----
Binisita ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo ang Communications and Command Center ng MMDA sa Pasig City na nagmo-monitor ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila nitong Miyerkules kung saan bumungad dito malawak at advanced na pasilidad kabilang na ang malalaking screen monitors na may live feed ng CCTV Cameras na naka-install sa mga kritikal at pangunahing imprastraktura sa MM at body-worn cameras (BWC) na gamit ng mga traffic enforcer nila habang naka-duty.
Sinalubong si Tulfo nina MMDA Chairman Romando Artes at Swift Traffic Action Group (STAG) Head na si Edison Nebrija at ipinakita na gumagana ang BWCs ng kanilang enforcers, at on-the-spot ay inatasan ni Artes ang enforcers on-duty gamit ang two-way radio na magsagawa ng anti-illegal parking operations ang MMDA sa 20th Avenue sa Quezon City.
Sa nasabing mga feed, kapansin-pansin na hagip din dito ang anumang pag-uusap sa pagitan ng enforcer at ng nahuling motorista – bagay na nakatutulong sa pagpapatibay ng apprehensions bilang ebidensya na hindi maikakaila ng violator.
Sinabi ni Artes na nag-i-isyu sila ng notice of violations sa mga violator na nire-review naman ng Command Center, at iniisyuhan ng digital tickets na maaaring bayaran online o sa ibang payment centers para maiwasan na rin ang pangongotong.
Maliban dito, natalakay din ni Tulfo at Artes ang kawalan ng hazard pay ng MMDA enforcers at street sweepers na nakababad sa kalsada buong araw at exposed sa harmful pollutants na maaaring magdulot ng malubhang sakit. Hindi raw kasi sila sakop ng Hazard Pay Law.
Inilatag din ni Artes kay Tulfo ang kakulangan nila sa plantilla positions kaya marami pa ring MMDA enforcers at street sweepers ang matagal na sa serbisyo pero nananatiling job order at casual employees.
Nangako naman ang senador na isusulong ang pag-amyenda sa kasalukuyang Hazard Pay Law para maisama rito ang MMDA traffic enforcers at street sweepers. Ilalaban niya rin ang budget ng MMDA sa darating na budget deliberations sa Senado para makatulong na gawing regular ang mga JO at casual employees.