Agad na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang automatic price freeze sa lahat ng pangunahing bilihin matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of national calamity bunsod ng pinsalang idinulot ng Bagyong “Tino” sa Visayas at Mindanao.
Ayon sa DTI, mananatili ang price freeze sa loob ng 60-araw upang matiyak na hindi tataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng ahensya na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga manufacturer, retailer, at distributor upang mapanatili ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin at prime commodities.
Tiniyak din ng DTI na ang kanilang mga regional at provincial offices ay naka-alerto at nakahanda sa pagpapatupad at pagsubaybay sa pagsunod ng mga establisimyento sa price freeze.
----
Nakahanda na ang Department of Health (DOH) sa pagtugon sa mga lugar na posibleng tamaan at maapektuhan ng Bagyong Uwan.
Ayon sa DOH, nakaalerto na ang mga health commodities tulad ng gamot sa ubo at lagnat, antibiotics, maintenance medicine, pati na rin ang mga hygiene kits at water containers na may malinis na inuming tubig. Umabot sa higit P10 million ang kabuuang halaga ng mga nakahandang gamot at kagamitan.
Naka-standby na din ang mga Health Emergency Response Teams (HERTs) at mga DOH hospitals para sa agarang deployment at pagtugon sa mga apektadong lugar. May kakayahan ding magpadala ng karagdagang tulong mula sa mga karatig-rehiyon kung kinakailangan.
Bilang karagdagan, handa na rin ang tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT), na maaaring magsilbing outpatient department o magtayo ng pansamantalang hospital tents sa oras ng sakuna.
Sa kasalukuyan, itinaas na ng DOH sa Code Blue Alert ang buong bansa bilang paghahanda sa nalalapit na bagyo.
----
Dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong Tino, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng state of national calamity.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Marcos matapos ang situation briefing sa NDRRMC kahapon ng umaga sa Camp Aguinaldo.
Base sa datos, nasa 10 hanggang 12 rehiyon ang naapektuhan ng bagyo at mahigit sa 100 katao ang tinatayang nasawi sa naturang bagyo kung saan kabilang sa matinding tinamaan ni Tino ang mga Regions 6,7 at hanggang sa Negros Island.
Sinabi pa ni Marcos na bukod sa bagyong Tino, pinaghahandaan na rin ng pamahalaan ang bagyong Uwan na inaasahang tatama sa bansa ngayong linggo sa pamamagitan ng pagpapadala ng quick response team.
Siniguro rin ni Marcos na nakahanda ang pamahalaan na ayudahan ang mga biktima ng naturang bagyo.
Samantala, dahil sa gagawing deklarasyon, inaasahang mapadadali ang relief, rehabilitation at recovery efforts ng pamahalaan dahil mapabibilis ang pagre-release ng calamity funds.
Bukod dito, makapagpapatupad din ng price control ang pamahalaan sa mga pangunahing bilihin at mapadadali ang deployment ng national government assistance.
Naglaan na rin ang Office of the President (OP) ng halagang P760 milyon tulong pinasyal sa mga lalawigan na lubhang naapektuhan ni Tino.
Makakatanggap naman ng halagang P50 milyon mula sa OP ang mga lalawigan ng Cebu, Capiz, Surigao del Norte, Iloilo, Bohol at Negros Occidental, habang makakatanggap ng P40-M ang mga lalawigan ng Eastern Samar, Surigao del Sur, Southern Leyte, Antique at Aklan.
Samantala, makakatanggap naman ng P30-M ang Leyte at Masbate; P20-M sa Guimaras, Agusan del Norte at Dinagat Islands.
Tig-P10-M naman ang Biliran, Camarines Sur, Sorsogon, Misamis Oriental, Negros Oriental at Palawan.
Habang tig-P5-M naman ang Albay, Batangas, Northern Samar, Siquijor, Quezon, Samar, Agusan del Sur, Laguna, Zamboanga City, Camiguin, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Zamboanga del Norte, Iligan City, Romblon at City of Manila.