Skip to content

November 6 - 7 am NEWS

November 6 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 06, 2025 | 8:43 AM

Mananatili na ‘forever’ sa Ombudsman ang kopya ng mga isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN mula sa mga opisyal ng pamahalaan.

Ito mismo ang kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, kasalukuyang tagapagsalita ng Office of the Ombudsman.

Aniya’y mananatili ‘virtually forever’ ang kopya ng mga naturang dokumento na isinumite sa tanggapan kahit pa matapos ang prescriptive period na itinakda.

Panuntunan kasi ng Ombudsman na sa loob lamang ng 20 taon nila itatabi ang natanggap na mga kopya o physical copies nito.


Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, alinsunod o nakabatay raw ang naturang 20 years prescriptive period sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Dahil rito’y ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Clavano kung bakit at para saan magagamit ang mas pinahabang taon sa pagpapanatili ng kopya ng SALN.

Kung ikukumpara kasi sa panahon ni Ombudsman Samuel Martires, bago si Ombudsman Jesus Remulla, ang naturang dokumento ay sinisira o pinupunit matapos ang sampung taon mula nang ito’y matanggap.

Ngunit nilinaw ni Ombudsman Spokesperson Clavano na bagama’t maari itong ma-access forever virtually, hindi aniya ito nangangahulugan magagamit bilang ebidensya sakaling lumagpas na sa prescriptive period.

Kaya naman buhat nito’y ibinahagi ni Assistant Ombudsman Clavano ang kahalagahan na mapanatili ang mga isinusimeteng SALN ng mga opisyal.

Magagamit aniya ito upang mapagkumpara ang accumulation of wealth o kayamanan ng isang lingkod bayan sa ilang taon at bilang tool na rin para sa lifestyle checking.

------

Matapos ang matin­ding pagbaha dulot ng bagyong Tino kung saan maraming residente ang lubhang naapektuhan, galit na inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa flood control projects sa Cebu at mga karatig na lalawigan.

Sinabi ni Palace press officer Atty. Claire Castro na kung galit na galit ang mga taga-Cebu dahil sa kanilang naranasan ay ganun din ang naramdaman ng Pangulo.

Nais aniyang malaman ni Marcos kung nagamit ng tama ang inilaang P26 bilyon sa flood control projects dahil nakita nito ang epekto ng katatapos na bagyo kung saan tila hindi gumana ang mga ginawang proyekto sa Cebu.

Base sa kumalat sa social media na mga ­video at larawan, makikita ang lawak ng pinsala ni Tino kung saan mara­ming bahay ang lumubog at ang mga residente ay nanatili sa bubong ng kanilang bahay, gayundin ay naglutangan ang mga sasakyat at mga ulat na nasawi.

“Yan ang dahilan kung bakit nagpapaimbestiga ang Pangulo dahil nakita niya ang epekto gayung mayroong budget na inilaan para rito pero parang hindi gumana,” saad pa ni Castro.

Sa nakuhang datos ng Malacañang, mayroong 343 flood control projects ang nagawa sa lahat ng distrito ng Cebu simula 2016 hanggang 2022, subalit tila hindi aniya ito gumana kaya nagkaroon ng malawakang pagbaha sa lalawigan.

Hinikayat naman ni Castro si Cebu Governor Pam Baricuatro na kung may alam na mga impormasyong makakatulong sa imbestigasyon ay makipagtulungan para mapanagot ang mga nagkulang at nagpabaya sa proyekto.