Skip to content

November 6 - 6 am NEWS

November 6 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 06, 2025 | 7:43 AM

Naniniwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang pagiging nakatuon ng ekonomiya ng bansa sa lokal na merkado ay proteksyon laban sa pandaigdigang pagbagal ng ekonomiya.

Ayon kay BSP Deputy Governor Zeno Ronald Abenoja sa isang webinar, mahigpit na binabantayan ng BSP ang mga pandaigdigang kaganapan, kabilang ang mga pagbabago sa patakaran ng kalakalan ng Estados Unidos.

Binigyang-diin niya na mas nakasentro ang Pilipinas sa lokal na ekonomiya kumpara sa ibang bansa sa rehiyon, kung saan ang pinagsamang halaga ng exports at imports ay mas mababa sa 50% ng kabuuang ekonomiya.

Dagdag pa niya, mas marami ring katuwang ang Pilipinas sa kalakalan, kaya limitado ang epekto ng pandaigdigang pagbagal.


Iminungkahi ni Abenoja ang pagpapatibay ng trade facilitation, regulatory harmonization, pagbabahagi ng impormasyon, at mas malalim na pag-unawa sa mga ekonomiya ng bawat bansa upang palakasin ang kalakalan sa rehiyon.

------

Maagang makakatanggap ang mga empleyado ng gobyerno ng kanilang year-end bonus at P5,000 cash gift ngayong buwan.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, kaisa sila sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapahalaga sa mga lingkod bayan at sa kanilang kabayanihan para sa bayan.

Para sa fiscal year 2025, may kabuuang P63.69 bilyon ang inilaan sa year-end bonus ng mga civilian at uniformed personnel at P9.24 bilyon naman para sa cash gift na sasaklaw sa mahigit 1.85 milyon na empleyado ng pamahalaan sa buong bansa.

Ang year-end bonus (YEB) na katumbas ng isang buwang basic pay base sa sahod noong Oktubre 31, at ang P5,000 cash gift ay taunang ibinibigay bilang pagkilala naman sa pagsisikap at dedikasyon ng mga kawani ng gobyerno.
------

Nanatili sa 1.7% ang inflation nitong Oktubre, sabi ni Philippine Statistics Authority (PSA) Undersecretary Dennis Mapa.

Ang inflation ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin magmula sa pagkain hanggang sa upa, load sa internet at cellphone, pati na kuryente, pamasahe at pagpapaayos ng bahay.

Ayon sa PSA, mas mataas ang tinalang inflation sa upa, tubig, gas at kuryente nitong Oktubre kumpara noong Setyembre. Mas mataas din ang tinalang inflation sa clothing and footwear, information and communication at perso¬nal care and miscellaneous goods and services.

Tinabla naman ang pagtaas ng inflation ng mga ito ng pagbagal ng inflation ng pagkain at mga inumin, alak at sigarilyo, health, transportation, recrea¬tion, sports and culture.

Hindi man gumalaw ang inflation sa buong bansa, tumaas naman ang inflation sa National Capital Region sa 2.9% mula 2.7% dahil sa mas mataas na inflation sa upa, tubig, kur¬yente at mga panggatong.