Skip to content

November 5 - 8 am NEWS

November 5 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 05, 2025 | 9:58 AM

Ipinahayag ni Atty. Ruy Alberto Rondain, abogado ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na umaabot sa P4.1 billion ang net worth ni Co noong 2019, taon kung kailan siya nahalal sa House of Representatives.

Ayon kay Rondain, naipon ni Co ang yaman bago pa pumasok sa Kongreso. Bagamat hindi ipinakita ang 2019 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), sinabi niyang handa siyang magbigay ng kopya nito.

Dagdag pa ni Rondain, sa kasalukuyang SALN ni Co, tinatayang tumaas lamang ito ng P900 million, kaya’t umabot sa P5 billion ang kabuuang yaman ng dating kongresista.

Matatandaan na kasalukuyang humaharap sa imbestigasyon si Co matapos siyang masangkot sa P289.5 million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, na pinaniniwalaang may kinalaman sa mga “ghost projects” at kickback schemes, batay sa mga pahayag nina dating Department of Public Works and Highways engineer Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, at Jaypee Mendoza.

----

Pumalo na sa 26 katao ang nasawi sa pananalasa ng malakas na bagyong Tino na nagdulot ng matinding mga pagbaha sa Visayas Region, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes ng gabi.

Sa update, sinabi ni OCD Spokesman Junie Castillo na kabilang sa nakuha nilang report, 22 sa mga nasawi ay mula sa Central Visayas o Cebu, dalawa sa Negros Island Region (NIR), isa sa Region 6 o Western Visayas at isa sa Region 8.

Karamihan sa mga nasawi, ayon sa opisyal ay sanhi ng pagkalunod mula sa Central Visayas habang sa Eas­tern Visayas o Region 8 ay isang nabagsakan ng nabuwal na puno ng niyog.

“Yung mga namatay sa Cebu mostly drowning, merong nabagsakan ng bato, may natabunan ng lupa, may naanod sa baha but all of these are being verified and validated,” saad ni Castillo.

Samantala, ilang lugar rin sa Cebu City ang dumanas ng lagpas taong baha kung saan may mga na-trap sa bubungan ng kanilang mga tahanan partikular na sa Brgy. Bacayan ng lungsod at maging sa ilang bayan din sa Cebu ay rumagasa rin ang mataas na tubig baha.

Inanod din ng tubig baha ang ilang sasakyan sa Brgy. Bacayan habang nasa 50 katao naman ang tinangay din ng flashflood sa lugar, ayon naman kay Cebu City Mayor Nestor Archval.

Napaulat din ang lagpas taong baha sa ilan pang lugar sa Cebu kung saan ang inaasahan ng mga tao ay malakas na hangin pero ang bumu­laga sa kanila ay grabeng flashfloods.

Nasa 387,000 katao na ang isinailalim sa preemptive evacuaton sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, ayon pa kay Castillo.