Tiniyak ng Philippine National Police nitong Miyerkoles na hindi makakaapekto sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pagiging dating hepe nito ng PNP
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ipapatupad ng pulisya ang arrest warrant anuman ang ranggo, posisyon o personal na koneksiyon ng taong aarestuhin.
Sinabi ito ni Nartatez matapos manawagan ang Malacañang sa mga awtoridad na maging impartial sa pagtugis kay Dela Rosa.
“We welcome the challenge of Malacañang because it reinforces a fundamental principle of law enforcement: No position, rank, or personal relationship is above the law,” diin ni Nartatez sa isang statement.
“The PNP will remain professional, impartial, and steadfast in implementing lawful orders, regardless of who is involved,” dugtong pa ng PNP chief.
Noong Martes, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na umaasa sila na si Nartatez at ang mga tauhan nito ay hindi paiiralin ang personal friendships o political alliances sa pagganap ng tungkulin sa pag-aresto kay Dela Rosa.
“The loyalty of every police officer must always be to the Constitution and the law, not to personalities or former positions. In the PNP, service is a duty, not a privilege, and no personal allegiance should ever stand in the way of justice,” paliwanag pa ni Nartatez.
---
Sinisiyasat umano ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang posibleng network ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Estados Unidos, kabilang ang umano’y pagkakasangkot ng mga Filipino-American (Fil-Am) at mga organisasyong sumusuporta sa komunistang insurhensiya sa Pilipinas.
Ikinatuwa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang iniulat na pagsisiyasat, kasunod ng mga impormasyong ibinahagi mismo ng NDFP tungkol sa umano’y pag-iimbestiga ng FBI sa pamilya ng isang Amerikanong aktibistang nakakulong sa Pilipinas.
Ayon sa NDFP, sinabi ni Gabe Pasion, isang umano’y nalinlang na kasapi ng Anakbayan, sa isang press conference sa Baltimore na inorganisa ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), na paulit-ulit umanong nakatanggap ang kanyang pamilya ng mga tawag at pagbisita mula sa mga tauhan ng FBI at Embahada ng Estados Unidos sa Maynila. Tinanong din umano ang mga katrabaho ng kanyang pamilya.
Ang kapatid ni Pasion na si Cristina ay dinakip noong Hulyo matapos ang operasyon sa isang pinaghihinalaang taguan ng mga komunista sa Laguna. Ayon kay NTF-ELCAC spokesperson Liza Fidelis Cañada, hindi na dapat ikagulat ng mga organisasyong umano’y nagsisilbing prente ng mga komunista sa Estados Unidos ang ganitong mga hakbang.
Itinalaga ng Estados Unidos ang CPP-NPA bilang Foreign Terrorist Organization (FTO) noong Agosto 9, 2002. Sa Pilipinas, itinalaga naman ng Anti-Terrorism Council ang CPP-NPA noong 2020 at ang NDF noong 2021 bilang mga organisasyong terorista sa ilalim ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa ilalim ng Section 2339B ng Title 18 ng United States Code, isang pederal na krimen ang sadyang pagbibigay ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa isang organisasyong itinalagang FTO. Gayunman, binigyang-diin ng NTF-ELCAC na dapat nakabatay sa ebidensiya ang mga imbestigasyon at iginagalang ang kalayaan sa pagpapahayag, mapayapang adbokasiya at karapatan sa due process.
Ayon kay Cañada, pinatitibay umano ng mga ulat ang pangangailangang imbestigahan kung ginagamit ang mga organisasyong nagsusulong ng karapatang pantao at katarungang panlipunan bilang mga network sa pangangalap ng kasapi at pagsuporta sa CPP-NPA. Ilang buwan bago ang iniulat na pagsisiyasat, naglabas din umano ng security advisory ang Embahada ng Estados Unidos na nagbabala sa mga mamamayang Amerikano laban sa pangangalap ng NPA at pagsali sa armadong insurhensiya.
Binanggit din ni Cañada ang ilang insidenteng kinasangkutan ng mga Amerikanong aktibista sa Pilipinas. Noong Enero, natagpuan at nailigtas ang Filipino-American na si Chantal Anicoche, mula sa Maryland, malapit sa lugar ng isang armadong engkuwentro sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Kalaunan, inamin umano nitong nagtungo siya sa Pilipinas upang sumapi sa NPA at nanatili sa isang kampo ng mga rebelde bago ibinalik sa Estados Unidos.
Si Cristina Pasion, na kasabay na nagtungo sa Pilipinas ni Anicoche, ay nanatili umano sa kilusang komunista nang ilang buwan bago dinakip noong Hulyo kasama ang isang wanted na miyembro ng NPA. Noong Abril, kabilang naman sa mga nasawi sa isang armadong engkuwentro sa Negros Occidental ang mga Amerikanong aktibistang sina Lyle Prijoles at Kai Dana-Rene Sorem, na kapwa may kaugnayan sa Anakbayan-USA.
Dahil sa mga insidenteng ito, nanawagan si Cañada ng mas mahigpit na koordinasyon ng mga awtoridad ng Pilipinas at Estados Unidos upang imbestigahan ang posibleng mga network ng pangangalap, pagpopondo at suportang logistikal sa magkabilang bansa.
Sinabi niyang handa ang pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan at magbahagi ng kaugnay na intelligence information sa FBI at iba pang awtoridad ng Amerika. Hinimok din niya ang mga pamilyang Fil-Am na maging mapagmatyag laban sa umano’y mapanlinlang na pangangalap sa likod ng mga aktibidad na nagsusulong ng karapatang pantao at katarungang panlipunan.