Ibinasura ng San Juan Regional Trial Court Branch 160 ang kahilingan ni Sen. Jinggoy Estrada na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban kay dating Department of Public Works and Highways Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez.
Ayon sa San Juan RTC Branch 160, wala nang matinding pangangailangan para maglabas ng TRO laban kay Hernandez dahil tapos na umano nitong idawit si Estrada sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee at Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Una nang naghain ng civil case for damages with a request for TRO and injunction si Estrada laban kay Hernandez kaugnay sa mga akusasyon sa pagtanggap ng kickbacks sa maanomalyang flood control projects, na aniya ay “false, malicious and defamatory accusations.”
Sa resolusyon ni Presiding Judge Aicitel Lascano-Nethercott, nilinaw nito na walang kapangyarihan ang korte na pagbawalan ang isang legislative committee na hilingin sa mga tao na humarap at tumestigo sa mga imbestigasyon.
Paliwanag ng hukom, ang isang TRO ay inilalabas lamang kung ang bagay ay may “extreme urgency”, na binanggit ang pag-urong ng pagdinig na hiniling ni Estrada.
“From the foregoing, it is clear that the requisite extreme urgency warranting the issuance of a TRO is no longer present,” ani Judge Lascano-Nethercott.
Samantala, nilinaw ng opisina ni Estrada na tinanggihan lamang ng resolusyon ang kahilingan para sa pag-isyu ng TRO at ang Writ of Preliminary Injunction ay nananatiling nakabinbin at diringgin sa Nosbyembre 12, 2025, kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang magkabilang partido na iharap ang kanilang mga argumento at ebidensya.
-----
Inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang panukalang Anti-Online Hate and Harassment Bill o mas kilala bilang “Emman Atienza Bill”.
Layon ng panukala na labanan ang cyberbullying, fake news at online defamation lalo na labanan sa mga kabataang madaling maapektuhan ng pambu-bully at paninira sa internet.
Ang panukala ay ipinangalan bilang parangal sa anak ng TV personality na si Kim Atienza na si Emman Atienza.
Sa ilalim ng panukala, mas pinalawak pa nito ang sakop ng mga kasalukuyang batas tulad ng Cybercrime Prevention Act at Anti-Bullying Act para maparusahan ang mga gawaing tulad ng cyberlibel, hate speech, cyberstalking at pamimigay ng pribadong impormasyon ng walang pahintulot.
Obligado ang mga digital platform na alisin o harangin ang mapanirang nilalaman sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng beripikadong reklamo o kautusan ng korte.
Ang hindi susunod na platform dito ay maaaring patawan ng parusa o multa ng mula P50,000 hanggang P200,000 at makulong habang ang mga menor-de-edad na sangkot ay sasailalim sa counseling o edukasyon.
Itinatakda rin ng batas ang pagbuo ng Victim Support and Protection Program, na magbibigay ng psychosocial counseling, legal na tulong, at proteksyon sa mga biktima sa tulong ng DSWD, DOJ, at DOH.
Ayon kay Ejercito, hindi layon ng panukala na limitahan ang kalayaan sa pagpapahayag, kundi hikayatin ang responsableng paggamit ng social media at magpalaganap ng kabaitan online.