Matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino, umapela naman si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ng pagkakaisa pagtutulungan dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo.
Ayon sa mambabatas, maraming tao ang kinailangang lumikas noong gabi at nagtago para makaligtas.
Nagpasalamat din siya sa International Organization for Migration (IOM) dahil ginamit ang mga bahay nito bilang pansamantalang evacuation center para sa mga pamilyang apektado.
Hinihimok niya ang mga residente na magbigay ng update sa kanyang social media accounts para maipaalam ang sitwasyon sa Emergency Operations Center, kay Governor Nilo Dimerey Jr., at sa iba pang ahensya.
Nagpasalamat din siya sa mga lokal na opisyal, NDRRMO, at PDRRMO sa mabilis na paglilinis, pati na rin sa DPWH, DSWD, at DTI sa pagtulong sa pagtasa ng pinsala.
Binigyang-diin niya na ito ang panahon para palakasin ang bayanihan at tulungan para mabilis na makabangon ang mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Tino.
-----
Ibinasura ng San Juan Regional Trial Court Branch 160 ang kahilingan ni Sen. Jinggoy Estrada na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban kay dating Department of Public Works and Highways Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez.
Ayon sa San Juan RTC Branch 160, wala nang matinding pangangailangan para maglabas ng TRO laban kay Hernandez dahil tapos na umano nitong idawit si Estrada sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee at Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Una nang naghain ng civil case for damages with a request for TRO and injunction si Estrada laban kay Hernandez kaugnay sa mga akusasyon sa pagtanggap ng kickbacks sa maanomalyang flood control projects, na aniya ay “false, malicious and defamatory accusations.”
Sa resolusyon ni Presiding Judge Aicitel Lascano-Nethercott, nilinaw nito na walang kapangyarihan ang korte na pagbawalan ang isang legislative committee na hilingin sa mga tao na humarap at tumestigo sa mga imbestigasyon.
Paliwanag ng hukom, ang isang TRO ay inilalabas lamang kung ang bagay ay may “extreme urgency”, na binanggit ang pag-urong ng pagdinig na hiniling ni Estrada.
“From the foregoing, it is clear that the requisite extreme urgency warranting the issuance of a TRO is no longer present,” ani Judge Lascano-Nethercott.
Samantala, nilinaw ng opisina ni Estrada na tinanggihan lamang ng resolusyon ang kahilingan para sa pag-isyu ng TRO at ang Writ of Preliminary Injunction ay nananatiling nakabinbin at diringgin sa Nosbyembre 12, 2025, kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang magkabilang partido na iharap ang kanilang mga argumento at ebidensya.