Skip to content

November 4 - 6 am NEWS

November 4 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 04, 2026 | 6:47 AM

Nanawagan ang House of Representatives sa mga ahensya ng gobyerno na tiyaking maipamahagi nang maayos ang P6.2 bilyong tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño at matinding tagtuyot.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, pinangunahan ni Quezon Rep. Mark Enverga ang pagsusuri kung nakararating ang ayuda para sa mahigit 310,000 maliliit na magsasaka at mangingisda, kabilang ang tulong sa gasolina, pataba at kabuhayan.
Sinusuri rin ng komite ang kakulangan na P371 milyon para sa mahahalagang programa, gaya ng cloud seeding at pagkontrol sa mga peste sa mga taniman ng tubo. Kabilang din sa tinitingnan ang panukalang P61.99-bilyong plano ng Department of Agriculture (DA).
Ayon naman kay Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing, kailangang palakasin ang paggamit ng mga pananim na matibay sa tagtuyot at magbigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga magsasaka at mangingisda. 

**
Itinuturong dahilan umano ng malaking bilang ng karagdagang 585 na kaso ng premature birth sa Pilipinas ang matinding init noong 2024, ayon sa isang bagong pag-aaral.
Kaugnay ng naging pag-aaral ang panibagong serye ng dry spell sa bansa dahil sa El Niño phenomenon.
Ayon sa Zero Carbon Analytics, isang international research group na nag-aaral tungkol sa climate change, tinatayang 585 na sanggol ang isinilang na premature o kulang sa hustong gulang noong kasagsagan ng 15-day extreme heat.
Sa tala ng pag-aaral, Cagayan Valley ang nakikitaan ng malaking panganib. Ang Cagayan province ay makakaranas ng dagdag na temperaturang 4.01 degrees, mas mainit kaysa normal na temperatura.
Samantala, lumabas naman na nasa ikapitong ranggo ang Pilipinas sa Germanwatch’s Climate Risk Index. Ibig sabihin lamang nito na mas mabilis na tumitindi ang epekto ng matinding init sa Pilipinas kaysa sa karamihan ng mga bansa sa mundo.


**
Hinamon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang mga otoridad na ipakita sa publiko ang valid na warrant of arrest, dokumento, legal na batayan at proseso ng pagpapa-aresto kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, sa gitna ng patuloy na pagsusuri ng International Criminal Court (ICC) sa mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa “War on Drugs.”
Tugon ito ni Duterte sa sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na may valid na warrant of arrest na siyang batayan ng pagtugis kay Dela Rosa.
Ang pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) ay nakatuon sa mga di-umano’y extrajudicial killings na naganap mula Nobyembre 1, 2011, hanggang Hunyo 30, 2016, at mula Hulyo 1, 2016, hanggang Marso 16, 2019, isang panahon kung saan si Dela Rosa ay nagsilbi bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, mariing tinututulan ng pamahalaan ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC, binabanggit ang pag-alis nito mula sa Rome Statute noong 2019, at nanindigan na hindi ito makikipagtulungan sa anumang imbestigasyon ng ICC o isusuko ang sinumang opisyal nito.