Skip to content

November 3 - 8am NEWS

November 3 - 8am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 03, 2026 | 8:30 AM

Naglabas ng Executive Order (EO) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mas malinaw na patakaran kung kailan dapat magsuspinde ng klase, at kung kailan ibabalik ang klase ng mga estudyante.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na batid ng Pangulo ang mga hamon sa kabataan dulot ng class suspension kaya ilalatag nito ang malinaw na panuntunan para hindi makompromiso ang pag-aaral ng mga estudyante.

Sinabi ni Castro na malaking kawalan sa kaalaman ng mga estudyante ang bawat araw na walang klase kaya itatama ito sa pamamagitan ng ilalabas na EO ng Pa¬ngulo at para matiyak na rin ang kaligtasan ng mga ito.

Sa EO No. 130, inutos ng Pangulo ang implementasyon ng tatlong suspension modes dulot ng bagyo, baha, at iba pang weather disturbances. Maaari itong gawin ng automatic, localized, o granular.

****

Umaasa ang Malacañang na dadalo si Chinese Presi¬dent Xi Jinping sa ASEAN Summit sa Pilipinas upang mapag-usapan ang mga isyu at sigalot sa rehiyon.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na mas makabubuting personal na dumalo si Xi para magkaroon ng pagkakataong maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga bansa.

“Mas maganda na dumating talaga ang lidera¬to ng China. Dahil mas magandang pagkakataon ito para mapag-usapan kung anuman ‘yung mga maaaring may gusot at doon magkaroon ng pagkakataong maresolba,” ani Castro.

Hindi pa makumpirma ng Palasyo kung naimbitahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Xi, at kung ano ang naging tugon nito. Kukunin pa umano nila ang detalye mula sa Department of Foreign Affairs.

Samantala, itinanggi ni Castro ang paratang ng China na hinadlangan ng Pilipinas ang partisipasyon nito sa ASEAN Defense Meeting.