Tumaas pa ang bilang ng mga stranded na indibidwal sa mga pantalan sa bansa ngayong araw ng Lunes, Nobiyembre 3 kasabay ng muling pagdagsa ng mga pasaherong magsisibalikan sa kani-kanilang trabaho matapos ang Undas.
Ito ay bunsod na rin ng bagyong Tino na nakakaapekto sa ilang parte ng bansa.
Base sa monitoring ng PCG kaninang umaga, umabot sa 2,480 pasahero at drivers ang naitalang stranded sa mga pantalan sa Central Visayas, Southwestern Mindanao, Southern Tagalog, Bicol, Eastern Visayas at Southern Visayas.
Maliban dito, may 44 barko, isang motorbanca at 700 rolling cargoes ang stranded habang pansamantalang nakikisilong ang nasa 223 barko at 117 motorbancas.
Samantala, in-activate na ng PCG ang kanilang deployable Response Groups para rumesponde sa mga posibleng epekto ng bagyo.
Hinimok naman ng PCG ang mga mangingisda at operator ng mga maliliit na sasakyang pandagat na makinig sa mga abiso mula state weather bureau upang malaman ang update sa lagay ng panahon at sa gale warning at iwasan ang paglalayag sa mga maaalong dagat hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon.
--------
Pormal nang isinagawa ngayong araw ang ‘turn over ceremony’ sa National Bureau of Investigation para sa bago nitong liderato o pamunuan.
Sa pangunguna ni Ret. Judge Jaime B. Santiago, kanyang nai-turn over na kay NBI Assistant Director Angelito Magno ang posisyon kanyang iiwanan sa naturang kawanihan.
Ito’y isang linggo makalipas nang mapili at maitalaga si Magno bilang bagong officer-in-charge ng National Bureau of Investigation.
Kung kaya’y sa naganap na pagsasalin ng liderato, pangako ni OIC Director Lito Magno na ipagpapatuloy nito ang mga imbestigasyon nasimulan ng kawanihan.
Plano din aniyang mas gawing morderno ang serbisyo at sistema nito sa pamamagitan ng mga training, technology, at team work.
Bukod pa rito’y kanya pang sinabi na gagawing ‘institutionalize’ ang transparency at accountability upang mapanatili ang tiwala.
Maaalalang itinalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. si Magno bilang OIC ng ahensiya noong ika-27 ng Oktubre kasunod sa isinumiteng ‘irrevocable resignation’ ni Santiago.
------------
Nagpahayag ng pag-aalala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga “agitator” o manunulsol upang manggulo sa gagawing “Trillion Peso March” sa Nobyembre 30 sa pagpapatuloy ng serye ng kilos protesta laban sa korapsyon.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isang press briefing sa South Korea nang tanungin kung nag-aalala siya na maraming grupo ang nagpaplanong magprotesta muli laban sa mabagal na aksyon ng gobyerno laban sa mga tiwaling opisyal at kontratista ng gobyerno.
“Ang tanging inaalala ko kapag mayroon tayong mga demonstrasyon sa anumang kadahilanan ay may mga agitator na pupunta at susubukang magdulot ng gulo,” ani Marcos.
Ipinunto niya ang mga demonstrador na nagdadala ng molotov cocktail sa rally na dapat aniyang ipag-alala.
Nanawagan si Marcos Jr. sa publiko na iwasan ang marahas na aksyon sa panahon ng mga protesta.
“Tanggalin na ninyo sa isip ninyo yan. Manggugulo kayo. Wala namang mangyayari. May masasaktan lang. Nasasaktan pa yung mga kasama ninyo kuminsan,” ani Marcos.
“’Yung mga pulis, wala namang kinalaman yung pulis. Nandiyan lang sila para kontrolin ang mga tao. Hindi sila nandiyan para saktan ang sinuman. Kaya iyon lang ang inaalala ko,” dagdag ni Marcos.
Ipinahiwatig ni Marcos na naiintindihan niya ang saloobin ng mga nais magkilos protesta dahil sa sobrang pang-aabuso sa pondo ng gobyerno na dapat mapunta sa mga tao.