Skip to content

November 3 - 6am NEWS

November 3 - 6am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 03, 2025 | 7:52 AM

Inaasahang magpapatuloy ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pagbaba ng interest rate hanggang 2026 dahil sa humihinang paglago ng ekonomiya at mababang inflation, ayon sa BMI, research unit ng Fitch Solutions.

Sa pagtaya ng BMI, maaaring ibaba pa ng BSP ang policy rate nito sa 4.5% bago matapos ang 2025, matapos ang sunod-sunod na apat na pag-bawas ng rate ngayong taon, kabilang ang huling pagbaba nito noong Oktubre 9 sa 4.75%.

Ayon sa BMI, kaya ng BSP na magpatupad pa ng maluwag na polisiya dahil patuloy na bumababa ang inflation, kung saan naabot nito noong Setyembre ang 1.7% na pagmahal ng bilihin at serbisyo, pang-pitong buwan na mas mababa sa target nitong 2 hanggang 4 porsyento.

Bagama’t umaasa ang ahensya sa 1.6% average inflation para sa taong ito, na posibleng tumaas pa sa 3.5% sa 2026 dahil sa epekto ng pagtaas ng kuryente at taripa sa bigas pero pasok parin sa target range ng BSP.


Samantala, inaasahan ding babagal ang GDP growth sa 5.2% sa 2026, mas mababa sa target ng gobyerno na 6–7%. Dahil dito, magkakaroon umano ng puwang ang BSP para magpatuloy sa pag-ease ng monetary policy.

Tinataya rin ng BMI na mananatili ang piso sa P59 kontra dolyar sa pagtatapos ng 2025, matapos itong bumagsak sa P59.13 noong Oktubre 29, na may kaugnayan umano sa isyu ng katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.

----------

Nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibilidad ng lahar flow sa mga palibot ng bulkang Kanlaon.

Ito ay kasabay ng mabibigat na pag-ulang dala ng Typhoon Tino na nagbabanta sa malaking bahagi ng Visayas.

Batay sa impormasyong inilabas ng weather bureau, ang pagkakalantad ng lahat sa matindi at tuloy-tuloy na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar flow, hindi lamang sa dalisdis ng bulkan, kungdi maging sa mga komunidad na direktang nakaharap dito.

Maaari umanong umagos ito sa southern at western slopes ng Kanlaon Volcano.


Giit ng weather bureau, mataas ang bulto ng pyroclastic density current (PDC) deposits sa mga dalisdis ng bulkan mula sa magkakasunod na ash emission.

Maaari umanong maranasan ang pag-agos ng mainit na lahar o sediment-laden streamflow sa Tamburong/Ibid Creek sa Biak-na-Bato; Baji-Baji Falls at Talaptapan Creek sa Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental.

Kasama rin dito ang mga drainage na komukunekta sa mga gully na dating pinagbagsakan ng PDC materials.

Dahil dito, pinaghahanda ang publiko sa posibilidad ng agarang paglikas, habang pinayuhan din ang mga residente na iwasang dumaan sa mga sapat, canal, atbpang maaaring daanan ng lahar.