Kinilala ang Mactan-Cebu International Airport (MCIA), ang pangunahing tourism transfer hub ng Pilipinas, bilang Airport of the Year – Asia sa TDM Travel Trade Excellence Awards 2025 na ginanap sa Singapore nitong Martes, Nobyembre 25, 2025.
Kinilala ang dedikasyon ng MCIA sa pagbibigay ng pinakamainam at pinakamabilis na transfer experience sa mga pasahero, kabilang ang implementasyon ng CEBConnects na nagbawas sa Minimum Connection Time (MCT) at nagpasimple ng air-to-air transfers para sa domestic at international flights.
Ayon kay Athanasios Titonis, chief executive ng Aboitiz InfraCapital Cebu Airport Corp. (ACAC), hindi lamang nila pinapabilis ang mga transfers, kundi sinusuportahan din nila ang turismo ng bansa sa pamamagitan ng pagpapadali ng biyahe para sa mga manlalakbay.
Ang MCIA ay nagsisilbing pangunahing gateway ng Pilipinas patungo sa Visayas at Mindanao. Nabawasan ang minimum connection time ng domestic flights mula 60 minuto tungo sa 35 minuto.
Samantala, ang connection time para sa domestic to international, international to domestic, at international to international flights ay bumaba mula 90 minuto tungo sa 60 minuto.
----
Itinuturing ng Malacañang na isang uri ng political destabilization ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nakahanda siyang palitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling magbitiw ito.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi rin katanggap-tanggap ang pag-asa ni Duterte na magbibitiw ang Pangulo.
“Unang-una po, ang Bise Presidente, hindi acceptable, it is not acceptable for a vice president to anticipate the resignation of the president – presidente na pinagsisigawan nilang bumaba sa puwesto. This is definitely a form of political destabilization,” ani Castro.
Ipinunto pa ni Castro na pinapahina ni Duterte ang tiwala ng publiko sa administrasyon at ang mga sinasabi niyo ay naglilikha ng “climate of uncertainty and crisis.”
Idinagdag ni Castro na kung handa si Duterte, ay nangangahulugan na ito talaga ang iniisip niya at pinaghahandaan.
“Kung handa siya, makikita po natin, nag-anticipate siya na mawawala ang Pangulo – iyan po ang balak nila, iyan po ang nasa isip nila, at iyan po ang ginagawa nila ngayon,” ani Castro.
-----
Sa budget deliberation ng panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Sen. JV Ejercito, sponsor ng pondo ng ahensiya, nangako si Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na sisimulan nila sa Disyembre 1 ang paghuli sa mga e-bike at e-trikes na dumadaan sa mga main road.
“According to LTO, they will now apprehend kasi po LGU [local government units] po ang nagbigay ho yata ng pahintulot pero as far as LTO is concern hindi po dapat payagan sa main thoroughfares,” sabi ni Ejercito.
Suportado naman ni Sen. Raffy Tulfo ang hakbang ng LTO dahil naaagawan ng pasahero ang mga traditional tricycle driver na kumukuha ng prangkisa, rehistro, lisensiya, insurance at membership sa TODA.
Aniya, ang mga e-bike at e-trike operator ay walang ganitong proseso pero nakakapasada sila tulad ng mga tricycle driver.
“Lumalala po ‘yung problema sa e-bike and itong mga nag-e-bike of course nagsasakay sila mga pasahero, walang mga lisensiya, at of course dahil hindi sila rehistrado sa LTO wala din po silang insurance, third party liability,” katuwiran ni Tulfo. (Dindo Matining)