Skip to content

November 27 - 7 am NEWS

November 27 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 27, 2026 | 8:44 AM

Kinontra ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang mungkahi ni Olivia Limpe-Aw, pangulo ng Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP), na buwisan ang kape imbes na alak.

Ginawa ni Limpe-Aw ang mungkahi sa pagdinig ng House committee on ways and means sa panukalang batas na dagdagan ang buwis sa mga nakakalasing na inumin kasama na ang mga kinalolokohan ngayon ng mga kabataan na “alcopops” o alak na nilagyan ng fruit flavor.

“Masyado nang maraming buwis na pinagdurusahan ang ating mga kababayan. Pati ba naman kape?” katuwiran ni Quimbo.

Dahil dito, tiniyak ng mambabatas na hindi magkakaroon ng batas para patawan ng buwis ang kape na unang iniinom ng mga Pinoy, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan paggising ng mga ito.

Inilutang ni Limpe-Aw ang mungkahi dahil tinututulan ng mga ito ang panukalang batas na dagdagan ang buwis ng mga nakakalasing na inumin dahil sa nag-iba na aniya ang behavior ng mga consumers lalo na ang mga Gen Z kung saan mas gusto ng mga ito ang kape imbes na alak.

“Nag-iiba din yung consumer behavior like yung mga Gen Z natin hindi na sila masyadong umiinom ng alak ang gusto nila kape kaya nga sabi namin kay Cong. Miro, ‘Cong Miro, baka gusto nyo i-tax yung kape kasi yun yung malaki, hindi talaga yung alak.’ And ang mahal ng kape,” ani Limpe-Aw. (Bernard Taguinod)

---

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakasama ng rehabilitated at modernized Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa listahan ng TIME Magazine’s World’s Best Major Airports of 2027, matapos itong minsang makilala bilang isa sa pinakamasamang paliparan sa mundo.

“We’ve come a long way since it was the world’s worst airport,” pahayag ni Marcos sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng Mandarin Oriental sa Maynila.

Sinabi ng Pangulo na patunay ito na kaya ng Pilipinas na makipagsabayan sa ibang bansa pagdating sa pagtanggap ng mga turista at dayuhang bisita.

Binanggit din ni Marcos ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit, kung saan ipinakita umano ng bansa ang husay at pagiging magiliw ng mga Pilipino sa pagtanggap ng mga bisita.

Umaasa ang Pangulo na magagamit ng bansa ang positibong pagbabagong ito upang mas makahikayat ng mga turista at mamumuhunan. (Prince Golez)