Sinisiyasat na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang assets sa ibang bansa ng mga dati at kasalukuyang opisyal na umano’y dawit sa anomaliya sa flood control projects.
Ayon kay AMLC Executive Director Matthew David, mayroong kapasidad ang konseho na matunton ang mga asset na nasa ibang bansa.
Nasimulan na rin aniya ang pakikipag-ugnayan sa kanilang foreign counterparts para matunton partikular na ang mga asset na subject ng freeze order.
Sakali man na matukoy na mayroong ari-arian ang mga sangkot na indibidwal sa ibang bansa, maaari aniyang hilingan ng AMLC sa mga awtoridad sa ibang bansa para i-freeze ang mga ito.
***
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan 5th Division ang paglalabas ng kanilang pinal na desisyon hinggil sa mosyon na inihain ni Senator Jinggoy Estrada.
Layon ng mosyon na ito na payagan siyang makapagbiyahe sa labas ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng kaso, kung saan dumalo si Estrada sa pamamagitan ng video conference, nagbigay ng direktiba ang anti-graft court.
Inatasan ng Sandiganbayan si Estrada na kumpletuhin at isumite sa loob ng limang araw ang lahat ng mahahalagang dokumento na kinakailangan para sa kanyang travel request o kahilingan na makapagbiyahe.
Kabilang sa mga dokumentong ito ang kanyang itineraryo, na naglalaman ng detalye ng kanyang mga planong gawin sa biyahe, mga detalye ng kanyang hotel booking o reservasyon sa mga hotel, authority to travel o pahintulot na bumiyahe, at isang affidavit of undertaking, kung saan nangangako si Estrada na susunod siya sa mga kondisyon ng korte.
Nais ni Estrada na magbiyahe sa bansang Japan mula December 26 hanggang December 31.
**
Isiniwalat ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na mayroong database ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga “proponent” o nasa likod ng bilyun-bilyong halaga ng insertions sa 2025 at 2026 National Expenditure Program (NEP).
Kaugnay nito, sa isang statement, hinamon ng mambabatas ang kagawaran na ilabas ang database ng mga proponent kung talagang tunay nitong isinusulong ang transparency at reporma.
Ayon sa mambabatas, mayroong ?721.83 billion insertions sa ilalim ng pambansang pondo ngayong 2025 habang nasa ?496.97 billion naman ang insertions sa ilalim ng panukalang batas para sa susunod na taon.
Saad ni Leviste, hindi niya kayang panoorin ang ahensiya na sinasabing para ito sa transparency nang hindi ito inilalahad.
**
Lumalabas na maaaring humalili bilang konsehal ng Davao City ang bunsong anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica “Kitty” Duterte.
Ito ay dahil nakatakdang manumpa si Rigo Duterte bilang Bise Alkalde ng lungsod bago matapos ang taong 2025.
Nauna nang pinalutang ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte ang pangalan ng nakababatang Duterte na papalit sa mababakanteng posisyon ng kaniyang pamangkin.
Ayon kay acting Vice Mayor Rigo Duterte, opisyal siyang manunumpa kasama ang kaniyang tiyuhin na si Acting Mayor Sebastian Duterte sa katapusan ng Nobiyembre o sa unang bahagi ng Disyembre ng 2025, kayat naging palaisipan kung sino ang hahalili sa mababakante niyang posisyon.
Si Rigo Duterte ay anak ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na panganay na anak ni dating Pangulong Duterte.
Ipinaliwanag naman ni Davao City Councilor Danilo Dayanghirang na kwalipikado si Veronica Duterte na humalili bilang konsehal sakaling i-nominate siya ng Hugpong sa Tawong Lungsod political party na pinamumunuan ng Duterte.