Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara na ang state of national calamity dahil sa nakaambang Super El Niño upang magamit ang calamity fund at matugunan ang kakulangan sa ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa plenary deliberations ng panukalang budget ng Department of Agriculture (DA), iginiit ni Pangilinan na hindi umano sasapat ang P5 bilyon cash assistance na nakalaan para sa tinatayang 4.3 milyong magsasaka at mangingisdang posibleng maapektuhan ng El Niño.
Batay kasi sa alokasyon, nasa tatlong libong piso lamang ang maaaring matanggap ng bawat benepisyaryo.
Kaya hiniling ni Pangilinan na magamit ang nasa P112 bilyon na calamity fund upang matugunan ang kakulangan sa pondo.
Sa interpellation ni Senator Risa Hontiveros, kinuwestyon ng senadora kung bakit binawasan ng P5 bilyon ang pondo para sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program gayong may kinakaharap na kalamidad ang bansa.
Paliwanag ni Pangilinan, bagama’t nabawasan ang budget pina-igting naman umano ng DA ang pakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang hakbang upang mapunan ang kakulangan sa ayuda sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Bukod sa ayuda para sa mga magsasaka, tiniyak din ni Pangilinan na may suportang makukuha ang mga mangingisda mula sa pamahalaan. Aniya, naipamahagi na sa mga mangingisda ang P600 milyon na Fuel Assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT, at may inaasahan pang P400 milyon ang ipamimigay sa buwan ng Disyembre.
Samantala, kinilala naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga realignment na isinagawa ng komite ni Pangilinan upang matiyak na may sapat na pondo sa 2027 ang DA upang paghandaan ang epekto ng El Niño sa unang quarter ng susunod na taon.
Umabot sa P203.56 bilyon ang kabuuang alokasyon ng DA sa Senate version, kabilang ang P1 bilyon na Quick Response Fund para sa agarang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Pangilinan, mahigit P100 bilyon ang maaaring magamit ng DA para sa El Niño response. Kabilang dito ang P69.63 bilyon na alokasyon sa 2027 at P30.4 bilyon pesos na hindi pa nailalabas na pondo mula 2026 na maaari pang magamit hanggang sa susunod na taon.
Ibinalik din ng Senado sa P6.5 bilyon ang pondo ng Philippine Crop Insurance Corporation, matapos itong bawasan sa P4.5 bilyon peso sa bersyon ng Kamara.
Dinagdagan din ang pondo para sa pangisdaan, food safety, dairy at school feeding programs, livestock protection at post-harvest facilities.
Tinalakay din sa budget deliberations ang pagwawasto sa mga mali o hindi nagtutugmang coordinates ng farm-to-market road projects matapos ang beripikasyon ng DA, People’s Budget Coalit
---
Walang umanong planong magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng kinakaharap niyang impeachment trial sa Senado na inaasahang matatapos bago matapos ang taon.
Sa isang year-end gathering kasama ang media nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na hindi niya kayang talikuran ang puwesto dahil maituturing niya itong pagtataksil sa 32.2 milyong Pilipinong bumoto sa kaniya noong 2022 elections, gayundin sa publiko.
Giit ng Bise Presidente, hindi niya nakikitang opsyon ang pagbibitiw sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap niya sa impeachment proceedings. Samantala, nagpapatuloy ang paglilitis sa Senado kaugnay ng natitirang alegasyon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman laban sa Bise Presidente.
Matatandaang iniurong ng House prosecution team ang tatlo sa apat na impeachment articles upang mapabilis ang paglilitis, kaya’t nakatuon na lamang ang mga susunod na pagdinig sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sa kabila nito, itinanggi ni Duterte ang mga paratang at inilarawan ang impeachment proceedings bilang isang uri ng political harassment. Sakaling mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng conviction sa impeachment trial, maaari rin siyang ma-disqualify habambuhay sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
---
Pinaunlad ng mga mag-aalaga ng kalabaw, livestock technician, at animal health coordinator sa Visayas ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pag-aalaga at pagpapanatili ng kalusugan ng mga hayop.
Nakatuon ang pagsasanay sa tamang pangangasiwa ng mga bulo at kalusugan ng mga kalabaw upang mapataas ang produktibidad at maiwasan ang pagkakasakit.
Layunin din ng hakbang na mapahina ang epekto ng matinding El Niño sa mga alagang kalabaw sa rehiyon.
Bahagi ito ng mga pagsasanay na isinagawa ng Philippine Carabao Center-National Institute for Animal Sciences (PCC-NIAS) sa ilalim ng Carabao Herd Buildup Project.
Katuwang dito ang Production Systems and Nutrition Section, Biosafety and Environment Section, at PCC-NIAS sa Visayas State University, na ginanap noong Nobyembre 16–20 sa Baybay City, Leyte.
TAGSEl NinokalabawVisayas
SA IBA PANG MGA BALITAMULA SA MAY-AKDA