Skip to content

November 26 - 8 am NEWS

November 26 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 26, 2025 | 10:06 AM

Naghain ang Women Liberal Party ng isang panukalang bata sa Kamara na layong alisin ang mandatoryong kontribusyon sa PhilHealth para sa ating mga overseas Filipino workers (OFW). 

 Ang panukalang batas na ito ay naglalayong magbigay-ginhawa sa mga OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kinilala ang proposed bill bilang House Bill 6355 na inihain nina Rep. Leila de Lima, Rep. Kaka Bag-ao, at Rep. Cielo Krisel Lagman. 

Sa pamamagitan ng House Bill 6355, layunin nilang amyendahan ang Section 4(f) ng Universal Health Care Act upang gawing boluntaryo na lamang ang pagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth para sa mga OFW. 


Punto ng mga mambabatas na  hindi lubusang napapakinabangan ng mga OFW ang mga benepisyo ng PhilHealth habang sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Umaasa naman ang  LP Tres Marias na mabilis na uusad ang panukalang batas sa Kamara.

----

Plano umano ng kampo ng DDS na palitan ang kasalukuyang House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa beteranong kolumnista na si Ramon “Mon” Tulfo sa kanyang Facebook post nitong Martes, nagpatawag ng malaking meeting ang mga DDS sa Quezon City Sports Club noong Linggo. Ang mga dumalo ay mga dating mayors, councilors at iba pa.

Isa umano sa kanilang agenda ay kumbinsihin ang kanilang mga congressmen na palitan si Dy ni Arroyo bilang House Speaker.

Ayon pa kay Tulfo, susundan umano ito ng pagtutulak ng impeachment laban sa Pangulo kung wala umanong mangyari sa nakatakdang malawakang kilos-protesta sa Nobyembre 30.

“Following the DDS play book, isusunod nila ang impeachment kay Marcos Dayunyor kapag walang nangyari sa rally sa Nov 30. 2025,” saad pa sa post ni Tulfo na may kasamang photo ng mga dumalo.


----

Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tinangka siyang i-blackmail ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa pamamagitan ng kanyang abogado.

Sa inilabas na video message ng Presidente, sinabi nitong nilapitan sila ng abogado ni Co at inihayag umano na hindi na maglalabas ng video ang kanyang kliyente basta huwag kanselahin ang kanyang pasaporte.

Pero sinabi ng Pangulo na hindi ito nakikipagnegosasyon sa mga kriminal kahit pa maglabas ito ng mga panibagong video.

“Nilapitan kami ng mga abogado ni Zaldy Co at nagtangkang mag-blackmail na kung hindi namin kakanselahin daw ang passport niya, hindi na daw siya maglalabas ng video,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr., kahit na dagdagan pa ni Co ang pagsisinungaling at pag-destabilize sa gobyerno ay makakansela pa rin ang pasaporte nito at hindi makakatakas sa hustisya.

“I do not negotiate with criminals. Kahit maglabas ka na ng video ng lahat ng kasinungalingan mo,” dagdag ng Pangulo.

Si Co, kasama ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Construction Corp. na nauugnay sa pamilya Co, ay inisyuhan ng arrest warrant ng Sandiganbayan dahil sa maanomalyang P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Itinanggi naman ni Atty. Ruy Rondain na tinangka nitong i-blackmail si Pangulong Marcos Jr. upang matiyak na hindi makakansela ang pasaporte ni Co.

“Completely untrue,” sabi ni Rondain. “I have not spoken with anyone from the government to negotiate the stoppage of the videos for the passport.”

Iginiit ni Rondain na wala itong kontrol sa pag¬lalabas ng mga video ni Zaldy Co.

Nitong Miyerkoles ay inilabas ni Co ang ikatlo at huling bahagi ng kanyang ikalawang video at iniugnay si First Lady Liza Araneta-Marcos sa mga importer ng bigas na nasa ikod umano ng pagkontrol sa presyo kaya hindi ito bumababa. (Aileen Taliping/Billy Begas)