Humigit-kumulang 30 barko ng militar at coast guard ng China ang namataan sa apat na lokasyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Navy, hindi bababa sa 30 barko ang namataan, kung saan sa Scarborough Shoal may 12 barko (4 warships, 8 coast guard ships), sa Ayungin Shoal nasa 7 barko, Escoda Shoal may 6 barko at Pag-asa Island nasa 5 coast guard ships
Walang namang naiulat na agresibong aksyon, ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad. Aniya, inaasahang bababa ang bilang ng mga barko kapag dumaan ang Tropical Storm Verbena, na inaasahang mararating ang West Philippine Sea ngayong araw Nobyembre 26.
Matatandaang pinalakas ng China ang pagpapatroliya nito sa Scarborough Shoal matapos ideklara itong nature reserve, hakbang na mariing iprinotesta ng Pilipinas.
Patuloy naman ang monitoring ng Philippine Navy at Air Force, habang handa ang AFP na suportahan ang anumang aksyon ng Coast Guard o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
-------
Nagbabala ang CitizenWatch Philippines laban sa panukalang interest rate cap ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa maliliit at unsecured na pautang na maaaring magdulot ng kaguluhan sa kasalukuyang small-credit ecosystem ng bansa.
Ayon sa grupo, ang naturang panukala ay maaaring magtulak sa milyon-milyong Pilipino na manghiram sa mga ilegal na pautang o nagpapautang.
Nakasaad umano sa draft circular na inilabas noong Oktubre 29 na lilimitahan sa 10% kada buwan ang effective interest rate para sa mga unsecured loans na nagkakahalaga ng P20,000 simula Disyembre ngayong taon.
Ito ay bilang pagpapalawak sa polisiya na inilathala noong 2022 na sumasaklaw lamang sa pautang na hindi hihigit sa P10,000 na dapat bayaran sa loob ng apat na buwan.
Ayon kay SEC Chair Francis Lim, ang bagong cap ay may layuning ipakita ang kasalukuyang socioeconomic condition ng bansa at tugunan ang dumaraming bilang ng mga nanghihiram na nasasadlak sa “cycles of debt” dahil sa labis na interes at pang-aabuso ng certain entities sa online lending apps.
Kaugnay nito, iginiit naman ni CitizenWatch lead convenor Orlando Oxales na ang panukala ay posibleng makapag-trigger ng credit crisis sa bansa para sa mga mahihirap na nanghihiram ng pera.
“This proposal strikes at the core of the small credit system that millions of Filipino families rely on every single day,” sabi ni Oxales.
Binigyang-diin din niya na umaasa ang maraming Pilipino sa maliliit na pautang para sa emergency, pangunahing gastusin, at pang-araw-araw na puhunan sa trabaho o maliliit na negosyo.
Ayon sa kanya, kapag hinigpitan ang naturang cap ay maaaring mawalan ng akses ang mga Pilipino sa mga pormal na lending channels at maaaring maging ‘financially unsustainable’ ang mga nasabing produkto para sa mga regulated lenders.
Dinagdag din ni Oxales na kapag umatras ang mga regulated at official lenders dahil sa cap ay mawawalan ng pormal na opsyon ang mga tao at mapipilitang humiram sa mga “underground lenders” na naniningil umano ng 20% kada linggo at gumagamit ng daily collection pressure, verbal intimidation at public shaming.
“These are not just high-interest lenders. They operate with fear, not fairness,” saad ni Oxales kaugnay ng mga underground lenders.
Binanggit ng grupo na ang paghihigpit ng akses sa small, short-term credit ay taliwas sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang huling SONA na palakasin at palaguin ang MSMEs.
Ayon kay Oxales, ang unti-unting pag-limita sa limitado ngunit gumaganang ecosystem ng mga regulated at small-loan providers ay gagawa lamang ng oportunidad upang abusuhin ng mga illegal lenders ang naturang panukala.
“The people who feel the impact first are those already living on the margin. A disruption in their access to formal small loans means returning to lenders who operate outside the law and outside basic standards of decency,” dagdag niya pa.
Hinimok ng CitizenWatch ang SEC na sa halip na pahinain ang mga lehitimong nagpapautang ay palakasin na lamang ng ahensya ang mga panukala laban sa ilegal at abusadong lenders, at maglagay ng mas maraming consumer education upang matulungan ang mga nanghihiram na gumawa ng matalinong desisyon.
Bilang pagtatapos sinabi ni Oxales na ang tunay na proteksyon ay nangangailangan ng malalim na pang-uawa sa aktuwal na paraan ng panghihiram at kung paano kumikilos ang mga responsable at legal na lender.
“Protect consumers by targeting abusive, unregistered lenders — not by weakening the legitimate providers who follow the rules,” saad niya.
Sa huli, nanawagan ang grupo na isaalang-alang ng SEC ang buong hanay ng mga maaapektuhang mga sektor bago pa man tuluyang maipatupad ang nasabing panuntunan o interest cap.
--------------
Iginiit ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na hindi siya inaresto at boluntaryo umano ang kanyang pagpayag na lumipad patungong Vienna, Austria bagama’t kalaunan ay hindi na ito natuloy.
Sa isang Facebook Live kasama ang political vlogger na si Maharlika, sinabi ni Roque na sumunod lang siya sa mga awtoridad.
“Hindi po ako naaresto, boluntaryo po ‘yung pagsama ko. Kasi nga masunurin ako,” paliwanag niya.
“Nung tinanong ako, gusto mo bang lumipad? Siyempre hindi. Mayroon akong dalawang medical certificate na unfit to fly, kaya lang akala ko wala akong choice. So nung tinanong ako, siyempre hindi, pinababa ako kaagad [ng eroplano],” dagdag niya.
“So wala pong arestuhan,” sabi pa niya.
Kasabay nito’y nanawagan siya sa media na maging responsable sa pagbabalita.
Unang iniulat ng Abante ang pagdampot umano kay Roque sa kanyang tirahan sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa source, dinakip umano si Roque ng Immigration authorities at sinasabing may dalawang posibleng pagdalhan sa kanya: sa Vienna, Austria o ibalik sa Pilipinas.
Matatandaang kinansela na ng Pasig Regional Trial Court at Department of Foreign Affairs ang pasaporte ni Roque kaugnay ng kasong qualified human trafficking dahil sa diumano’y kaugnayan sa illegal POGO sa Pampanga.