Skip to content

November 26 - 6 am NEWS

November 26 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 26, 2025 | 6:30 AM

Inilahad naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tatlong pangunahing yugto ng isinasagawang pagrepaso ng pamahalaan sa mga umano’y “ghost projects” at iregularidad sa ilang subsprojects, na layong tukuyin ang mga pagkukulang, pananagutan, at kinakailangang reporma sa burukrasya.

Ayon kay Marcos, ang unang yugto ay ang pagtukoy sa mismong mga proyekto at subsprojects na ipinagagawa ngunit hindi naisakatuparan. Kabilang dito ang beripikasyon kung alin ang may problema at kung ano ang naging kabiguan sa implementasyon.

Ang ikalawang yugto ay ang pagtukoy sa mga taong dapat managot.   Panghuli, tiniyak ng Pangulo na mahigpit na tinutukan umano ng administrasyon ang mga repormang dapat ipatupad batay sa mga natuklasan. 

***
Mariing itinanggi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang kumakalat na balitang siya ay inaresto sa Amsterdam, The Netherlands.

Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na walang katotohanan ang ulat.  Katunayan, nakabili pa siya ng ticket at may nakatakdang byahe patungong Austria.  Naging usap-usapan ang isyu matapos maglabas ng ulat na umano’y inaresto si Roque sa naturang paliparan.

**

Pinaigting pa ng kapulisan sa Bulacan ang pagsawata sa mga gumagawa ng mga iligal na paputok habang nalalapit ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.

Partikular na dito ang mga paputok na mapanganib na sumasabog na may mga agaw-pansing pangalan, tulad na lamang ng mga hinango sa mga nagpasabog ng rebelasyon sa korapsiyon sa flood control projects gaya nina Curlee at Sarah Discaya, Zaldy Co, gayundin ang pangalan ni Senator Imee, at malalakas na bagyong tumama sa bansa na Tino at Uwan.

Subalit, ayon kay Bulacan Police director Col. Angel Garcillano, anuman ang itawag sa mga paputok, nananatili pa ring iligal ang mga ito.   Babala niya na maaaring arestuhin, kasuhan ang mga manufacturer ng iligal na paputok at kukumpiskahin at sisirain ang kanilang mga produkto.

Ipinag-utos din ng Bulacan Police Director sa lahat ng mga hepe sa probinsiya na kumpiskahin ang mga iligal na paputok bago pa man ang holiday season.