Binigyang diin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr., na walang hindi kailangang apurarahin ang karagdagang pagbaba sa reserve requirement ratio (RRR) para sa malalaking bangko sa bansa.
Ayon kay Remolona, kasalukuyang limang porsyento na reserve requirement ratio ay itinuturing nang “napakababa.”
Punto pa nito na maaaring ikonsidera ng Monetary Board ang pagbaba pa sa RRR para sa commercial at universal banks, ngunit hindi ito kailangang apurahin.
Nilinaw naman ng BSP na bukas ito para sa panukalang karagdagang pagbabawas depende sa timing at daloy ng pera sa financial system.
Ang RRR, na porsyento ng deposito ng bangko na dapat itabi, ay ginagamit ng BSP upang masiguro ang sapat na liquidity para sa mga withdrawal.
------
Nagpahayag ng pag-aalala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kapatid na si Sen. Imee Marcos matapos ang mga pahayag nito na gumagamit ang Presidente at kanyang pamilya ng ipinagbabawal na gamot.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ng Pangulo na bagama’t ayaw niyang magladlad ng dumi ng pamilya sa publiko ay nag-aalala siya at kanilang pamilya sa kalagayan ngayon ng kanyang kapatid.
Ito rin aniya ang pananaw ng kanyang mga pinsan, mga kaibigan kaya umaasa sila na sana ay gumaling na ang Senadora.
“That view is shared by our cousins, our friends, hindi siya yan. So that’s why we worry. I hope she feels better soon,” malungkot na pahayag ni Pangulong Marcos.
“For a while now, we’ve been very worried about my sister. When I say we. I’m talking about friends and family. The reason that is because the lady that you see talking on tv is not my sister,” emosyonal na pahayag ni Marcos.
Sa tanong naman kung nag-usap na sila ni Sen. Imee tungkol sa alegasyon, sagot ni Marcos, hindi na sila pareho ng direksyon, pampulitika man o iba pa.
Agad namang sinagot ni Imee ang sinabi ng Pangulo.
“Bongbong, ako ‘to, kung anu-ano na nakikita mo ading. Patunayan mong mali ako - gusto kong mali ako,” sabi ni Imee sa kanyang post sa Facebook.
Matatandaang sa speech ni Imee sa INC rally ay inakusahan nito ang Pangulo, FL Liza at Rep. Sandro Marcos na gumagamit umano ng ilegal na droga.
----------
Halos lahat ng batang Pilipino ay makakaranas ng limang heatwave taun-taon pagsapit ng 2050, ayon sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Dahil dito, tataas ang panganib ng heatstroke, dehydration at iba pang sakit.
Ayon kay UNICEF Representative Kyungsun Kim, magiging mas madalas ang matinding init, pabago-bago ang pag-ulan at mas malalakas na bagyo pagdating ng 2050. Tinatayang 80% ng suplay ng tubig ng bansa ay nanganganib din pagsapit ng 2040.
Nawalan din ng 32 araw ng klase ang mga estudyante noong 2023–2024 dahil sa climate hazard. Ilang lugar gaya ng Palawan, Camarines Norte at Sur, Quezon, Maguindanao, Sulu at mga Special Geographic Areas (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinakaapektado.
Bunsod nito, nanawagan ang UNICEF at Climate Change Commission na dagdagan ang pondo para sa climate adaptation sa kalusugan, edukasyon, nutrisyon at proteksyon ng mga bata.