Skip to content

November 25 - 6 am NEWS

November 25 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 25, 2026 | 6:45 AM

Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang kampo ni Veronica Duterte matapos matanggap kahapon, Nobyembre 24, 2026, ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura bilang moot o wala nang saysay ang mga petisyon.

Ito ay para sa habeas corpus petition kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa resolusyon, hindi naglabas ng pasya sa pagiging legal ng pagdadala kay FPRRD sa The Hague.

Ayon sa pahayag ni Atty. Salvador Paolo A. Panelo Jr., abogado ng petitioner na si Veronica A. Duterte, mayroon silang nakatakdang ihain na motion for reconsideration.

Giit ni Panelo, bagama’t may kaukulang paggalang sa Korte Suprema, ang naging pasya ay tila nagpapababa sa writ of habeas corpus sa isang karera upang mailabas sa teritoryo ng Pilipinas ang isang nakadetine bago pa man makakilos ang mga hukuman.

**

Personal na tinanggap ni North Korean leader Kim Jong Un ang credentials ng mga foreign ambassador nito, kabilang si Philippine Ambassador Jaime FlorCruz bilang kauna-unahang envoy ng bansa sa loob ng tatlong dekada.

Ipinresenta ni FlorCruz ang kaniyang Letters of Credence sa supreme leader sa kabisera ng North Korea sa Pyongyang nitong Linggo, Nobyembre 22, kung saan pormal siyang manunungkulan bilang Philippine Ambassador ng Pilipinas sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK).

Kauna-unahan ding idinaos ang naturang seremonya simula noong maluklok si Kim sa pwesto noong 2011.

Kabilang si FlorCruz sa iba pang kinatawan ng mga estado mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, tulad ng Bangladesh, Thailand, India, Brazil, Indonesia, Sweden, Czech Republic, Vietnam, at Russia.

Kasalukuyan ding nanunungkulan si FlorCruz bilang kinatawan ng Pilipinas sa China at bilang non-resident ambassador sa Mongolia.

***

Target sana ni Bea Millan-Windorski ng Pilipinas na masungkit ang ikalimang korona ng bansa sa Miss Universe kasunod nina Catriona Gray (2018), Pia Wurtzbach (2015), Margie Moran (1973), at Gloria Diaz (1969) pero sorry po-   nagwagi ang Puerto Rico sa ika-75 edisyon ng Miss Universe na ginanap sa Puerto Rico kagabi Nobyembre 24.
Kinoronahan ni Fatima Bosch ng Mexico si Jennifer Barreto bilang kahalili matapos mangibabaw sa mahigit 100 delegado sa pageant.

First runner-up naman si  Melissa Núñez (Dominican Republic) at  Second runner-up si Clara Vegas (Venezuela)


Madalas ituring na isa sa mga pangunahing paborito sa Miss Universe ngayong taon, hinangaan ng mga tagahanga sa buong mundo ang Filipino-American na si  Bea dahil sa kanyang high-fashion looks na nagpapakita rin ng kultura ng bansa.

Dala rin niya ang kanyang karanasan bilang Miss Earth Water 2024 at ang kanyang mga adbokasiya para sa pangangalaga sa kalikasan at karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Bago ang pagkorona, inanunsyo rin na gaganapin ang Miss Universe 2027 sa Costa Rica.