Iginiit ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na ibasura ang kahili¬ngan ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kaugnay ng mga ebidensiya dahil hindi umano ito sumusunod sa tamang proseso.
Sa isang redacted document na isinapubliko noong Biyernes, iginiit ng prosekusyon na labag sa mga protocol ng hukuman hinggil sa ebidensiya ang kahilingan ng depensa.
Dapat umanong ilahad ng depensa ang mga alalahanin nito kapag pormal nang isinumite ng prosekusyon ang mga kaugnay na ebidensiya, sa halip na isama ang kahilingan sa mga obserbasyong inihain sa hukuman.
Itinama rin ng mga pro¬secutor ang isang umano’y factual error sa pahayag ng depensa kaugnay ng mga partikular na salaysay na sentro sa kasalukuyang paglilitis. Gayunman, hindi isinapubliko ang ilang de¬talye tungkol dito.
Nauna rito, iginiit ng mga abogado ni Duterte sa trial chamber na ibasura ang testimonya at mga ebidensiya patungkol sa Davao Death Squad (DDS).
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang trial proper ni Duterte sa kasong crimes against humanity. Unang tatanungin siya ng mga hukom kung maghahain siya ng guilty o not guilty plea.
Magsisimula ang pagdinig alas-10:00 ng umaga sa The Hague, Netherlands, o alas-5:00 ng hapon sa Pilipinas. (Angelika Cabral)
---
Kinalampag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muling suriin ang kanyang economic team matapos maitala ng Pilipinas ang mahinang 2.1% pag-angat ng ekonomiya.
Ayon kay Lacson, hindi niya hinihiling kay Pangulong Marcos na muling balasahin ang kanyang gabinete kundi dapat nitong tutukan ang kanyang economic team para muling mapag-aralan ang ilang patakarang pang-ekonomiya.
Aniya, hindi sapat na maipaliwanag na ang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ang dahilan ng mabagal na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, dahil nakararanas din ng katulad na pressure sa presyo ng langis ang mga karatig-bansa nito sa Southeast Asia ngunit mas mataas ang naitatala nilang paglago.
“With all due respect Mr President, blaming the US-Iran conflict will not suffice. Our ASEAN neighbors face the same oil-price pressures, yet Vietnam’s GDP rises to 9.95%, Indonesia is steady at 5.47%, Singapore and Malaysia with 5.4% and 5.3% respectively. Our growth is lowest at 2.1% and still decelerating,” ani Lacson sa kanyang pinost sa X.
“I did not posit a Cabinet reshuffle, but a long hard look at our economic team to revisit some of our economic policies,” dagdag niya.
Nauna nang ipinagtanggol ng Pangulo ang kanyang economic team laban sa mga batikos kaugnay ng paghina ng paglago ng ekonomiya, at sinabing malinaw na maiuugnay sa digmaan sa Iran ang mga suliraning kinakaharap ng bansa.
“ECONOMIC MALAISE: Stocks are sliding, the peso is losing its value, property is oversupplied, agriculture is in disarray, investors have stayed away, and inflation and poverty keep climbing. Mr. President, maybe it’s time to look hard at your economic team,” giit ni Lacson sa X. (Dindo Matining)