Skip to content

November 23 - 6 am NEWS

November 23 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 23, 2026 | 6:44 AM

Posibleng umabot sa 4M ang madagdag sa bilang ng mga bagong rehistradong botante para sa 2028 National and Local Elections.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, lumampas na sa kanilang unang projection na tatlong milyon ang inaasahang bagong botante matapos makapagtala ng nasa 140,000 hanggang 150,000 aplikasyon mula nang muling buksan ang voter registration noong Nobyembre 10.

Napansin din ni Garcia na karamihan sa mga maagang nagpaparehistro ay mga kabataan.

Sa kasalukuyan, nasa 71 milyon ang registered voters sa bansa at posibleng umakyat ito sa 75 milyon kapag nakumpleto ang inaasahang karagdagang apat na milyong botante.

Mananatiling bukas ang voter registration hanggang Hulyo 30, 2027

**

Kinumpirma ni Department of Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na pinagbigyan ng korte ang mosyon inihain kamakailan ng puganteng si Charlie ‘Atong’ Ang. 

Ayon sa tagapagsalita, pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court Branch 185 ang hiling ni Atong Ang na mag-inhibit ang presiding judge. 

Kinakaharap dito ng negosyante ang kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention, may kaugnayan sa mga nangyaring pagdukot o pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena. 

Ngunit buhat nang paburan ang ‘Motion for Inhibition’, ni-raffle muli ang kaso at nailipat sa Branch 175 ng kaparehong korte. 

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng kampo ni Atong Ang at panig ng Department of Justice ang magiging aksyon ng hukuman at magiging skedyul ng susunod na pagdinig. 

**

Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga ilegal na firework at paputok habang papalapit ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, kasunod ng isang insidente sa fireworks display kung saan hindi bababa sa 18 katao ang sugatan sa Misamis Occidental.

Nitong Sabado, naiulat ang isang insidente sa Tangub City, Misamis Occidental sa kasagsagan ng grand opening ng Christmas Festival of Lights nito, kung saan sumabog patungo sa mga manonood ang nakalaang fireworks na para sana sa pagdiriwang ng pista.

Ani PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, kinakailangang responsable ang pagsasagawa ng mga selebrasyon at nararapat na naaayon sa mga regulasyong ipinatupad sa paggamit ng mga fireworks at iba pang pyrotechnic devices.

Kaugnay pa nito, naaresto rin ng Manila Police District sa isang operasyon ang anim na indibidwal, kabilang ang isang menor de edad na inilikas, na nagtatrabaho sa umano’y ilegal na pagawaan ng paputok sa loob ng isang residential compound sa Tondo, Manila nitong Linggo.