Naniniwala si dating Executive Secretary Lucas Bersamin na mas ligtas ang Pilipinas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. higit kanino man.
Ito ang sinabi ni Bersamin sa gitna ng mga panawagan na palitan si Marcos ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga isyu ng korapsyon at droga.
Paliwanag ng dating Executive Secretary, nakatutok sa trabaho si Pangulong Marcos at siya lang ang kwalipikado para magpatakbo sa gobyerno.
Dagdag pa ni Bersamin, sa loob ng tatlong taon na nakasama ni Bersamin ang Presidente ay nakita nito kung paano ito magtrabaho para maiangat ang buhay ng mga Pilipino.
“‘Yung focus na focus siya kung magtrabaho,” ayon pa kay Bersamin.
Hindi naman aniya nito inaalipusta ang kakayahan ng Bise Presidente subalit mas ligtas ang bansa kay Pangulong Marcos.
“I am not disparaging ang kakayahan ng Vice President but I think, it is safer for the Philippines to stay with President Marcos,” saad pa ni Bersamin.
----
Isusunod nang sampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman ang mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” Discaya at misis nitong si Czesarah “Sarah” Discaya sa Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Ombudsman Boying Remulla, ang kasong kriminal laban sa kontrobersyal na Discaya couple ay maaring isampa na nila ngayong Biyernes (Nobyembre 21) o di kaya naman ay sa susunod na linggo na.
Una rito, sinampahan ng kasong graft at malversation ng Ombudsman si dating congressman Zaldy Co at 17 iba kabilang ang mga opisyal ng DPWH sa Region IV B, mga Board of Directors ng Sunwest Corporation sa Sandiganbayan kaugnay ng P285.5 milyong depektibong dike projects sa Naujan, Oriental Mindoro.
Wala ring inirekomendang piyansa sa pansamantalang kalayaan ng mga ito.
Samantalang ang Discaya couple ay inasunto naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Ombudsman kaugnay ng pagkakasangkot sa ghost flood control projects sa lalawigan naman ng Bulacan.
Sinabi ni Remulla na tapos na ang Preliminary Investigation (PI) sa mag-asawang Discaya at naisumite na ito para sa resolusyon kung saan tatlong kaso ang maaaring maisampa laban sa mga ito sa Sandiganbayan.
Nakatakda ring i-subpoena ang mga Senador na isinasangkot sa anomalya sa infrastructure project kabilang dito ang mga ghost flood control projects.
Magugunita na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure sa Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa ilang mga senador kabilang sina Sens. Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at iba pa gayundin si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.