Iginiit ni dating Department of Health Officer in Charge Dr. Maria Rosario Vergeire na hindi patas ang kasalukuyang proseso ng pagba-budget para sa mga ospital, dahil mas napapaburan umano nito ang malalaking medical centers kaysa sa maliliit na ospital sa mga malalayong lugar sa bansa.
Ginawa ng dating opisyal ang pahayag sa ginanap na forum ng Philippine Institute For Development Studies sngayong Huwebes kung saan sinabi pa nito na matagal na niyang napapansin ang malalaking agwat sa pagpo-pondo, lalo na noong pinamunuan niya ang operations sa Northern at Central Luzon.
Ayon kay Dr. Vergeire napakaliit umano ng pondo na natatanggap ng maliliit na ospital, dahilan para maubos agad ito at mapilitang humingi ng karagdagang pondo habang ang malalaking ospital aniya na kaya naman umanong tustusan ang kanilang operasyon ay patuloy pa ring nakatatanggap ng malaking alokasyon mula sa national government. Kinuwestiyon din ng dating opisyal ang pamahalaan hinggil sa kawalan pa rin ng tertiary hospitals sa ilang rehiyon, sa kabila ng tinatayang P190 billion pondo para sa health facility investments sa nakalipas na 15-taon.
**
Nagsumite ngayong araw ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ng kanilang kontra salaysay kaugnay sa isinampang reklamo kamakailan ng Bureau of Internal Revenue laban sa kanila.
Ito’y kasabay ng kanilang pagdalo sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice patungkol sa kasong tax evasion.
Nauna nito'y sinampahan sila ng Bureau of Internal Revenue ng patung-patong na mga reklamo dahil sa tinatayang aabot sa higit 7-bilyon Piso umano’y tax liabilities.
Nag-ugat ang pagsasampa ng reklamo sa bigong pagbabayag ng mga Discaya sa buwis ng kanilang 9 na luxury cars at unpaid documentary stamp taxes ng supposed divestment sa apat na pagmamay-aring construction firms.
Ang reklamong tax evasion dulot ng di’ pagbabayad ng kaukulang buwis ay simula taong 2018 hanggang 2021.
***
Nag-iwan ng malaking impact ang pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2025 na si Ahtisa Manalo sa Q&A segment sa final competition ng 74th edition ng prestihiyosong international pageant na ginanap sa Bangkok, Thailand ngayong Biyernes, Nobiyembre 21.
Sa unang tanong ay inihayag ni Manalo na nais niyang maging imahe ng pag-asa sa mga tao at sa murang edad na 10 taong gulang, sinimulan na niya ang pagsali sa mga pageants upang makapag-aral at maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.
Sa Final Q&A naman, sinabi ni Manalo na nagpapatuloy ito sa pagtulong sa Alon Akademie at nagnanais na tulungan ang mga kabataang Pilipino na umahon at abutin ang kanilang mga pangarap.
Sa huli, nakuha ni Ahtisa ang 3rd runner-up. Kinoronahan bilang Miss Universe 2025 si Fátima Bosch ng Mexico .