Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Department (DSWD) sa mga magulang at guardians na maagang mag-aplay sa travel clearance ng mga menor de edad bago ang dagsa ng biyahe para sa Christmas holiday.
Ayon kay DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao, ang mga pamilyang nagpaplanong bumiyahe sa ibang bansa ay dapat na makakuha muna ng kinakailangang travel clearance certificate 30 araw bago umalis ng Pilipinas para maiwasan ang aberya.
Saad ng opisyal, ang mga aplikante ay maaaring maghain sa pamamagitan ng Minor Traveling Abroad Online System o eGov PH mobile application, na maaaring gawin sa online devices at web connection.
Dapat din aniya na sumailalim ang mga aplikante sa virtual interview sa DSWD Social workers para maberipika ang kanilang isusumiteng impormasyon.
**
Binigyang-diin ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang mga hakbang na ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang mga institusyon ng Bangsamoro bilang susi sa maayos at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ayon kay OSAP Assistant Secretary Ria Lumapas, pangunahing layunin ng administrasyon ang pagpapatibay sa kakayahan ng mga institusyong pambansa at pangrehiyon upang malinaw at epektibong maisakatuparan ang kani-kanilang obligasyon sa CAB.
Binigyang-diin din ni Lumapas na ang kauna-unahang halalan para sa BARMM Parliament ay isang mahalagang yugto sa pulitika ng rehiyon at kailangan umano ang mas matatag na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
**
Bumalik sa pag-eensayo si 22-time Grand Slam champion at tennis icon Rafael Nadal, halos isang taon matapos magretiro.
Sa bagong post ng tennis legend, makikitang kasama niya sa pagsasanay si Filipino tennis star Alex Eala sa Rafa Nadal Academy.
Ikinatuwa ni Nadal ang kanyang muling pagbabalik sa tennis court, habang kinikilala rin niya ang husay ng Pinay tennis player.
Biro pa ni Nadal, sa susunod ay mas malakas na siyang haharap kay Eala.
Oktubre 30 nang huling lumaban si Eala sa singles ng Hong Kong Open, kung saan nabigo siyang umusad sa Round of 16 laban kay Canadian tennis player Victoria Mboko.