Inilahad ng Truth Commission na umabot na sa 8,320 ang mga naidokumento nilang nasawi sa kampanya kontra droga o war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula 2016 hanggang 2022.
Ayon sa komisyon, bawat pangalan ng mga nasawi ay may katumbas na impormasyon at sangguniang maaaring beripikahin ng publiko.
Mas mataas ang naturang bilang kumpara sa 6,252 na kinikilalang nasawi sa mga operasyon ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency hanggang Mayo 2022.
Gayunman, mas mababa naman ito sa 12,000 hanggang 30,000 na bilang ng mga nasawi na binanggit ng prosecutor ng International Criminal Court o ICC.
kay Truth Commission Commissioner Carlos Conde, sinabi nitong lumitaw sa kanilang pag-aaral at pakikipag-usap sa mga pamilya ng mga biktima ang ilang magkakatulad na pattern sa mga naganap na pagpatay.
Batay sa paunang ulat, nasa 96.6% ng mga nasawi ay mga lalaki, habang 60 naman ang mga batang kabilang sa talaan. Ang pinakabata sa mga ito ay isang taong gulang.
**
Kinilala ng testigo ng defense team ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Rainer Dela Fuente na may mga red flag o kahina-hinalang detalye sa mga transaksyon ng Cale 88 Foods Corporation, ang kumpanyang iniuugnay sa asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa impeachment trial, inilatag niya ang datos mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakitang umabot sa mahigit P700 milyon ang kabuuang perang pumasok sa Cale88, habang halos P200 milyon lamang ang idineklara nitong kita sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Tinukoy rin ni Hontiveros na dalawa lamang ang empleyado ng kumpanya ngunit nakakuha ito ng halos P300 milyon mula sa mga kumpanya sa China, bukod pa sa 757 covered transaction reports (CTRs) at suspicious transaction reports (STRs) na may kabuuang halagang P1.2 bilyon.
**
Pormal nang ipinadala ng Senate Committee on Ethics and Privileges kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang reklamong inihain laban sa kaniya kaugnay ng matagal niyang pag-absent sa mga opisyal na tungkulin sa Senado, at binigyan siya ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng abiso upang magsumite ng nakasulat na tugon.
Ipinaalam ni committee chair Senador Vicente “Tito” Sotto III kay Dela Rosa na pumasa na sa porma at sustansya ang reklamo ng civil society group na Wag Kang KuCorrupt matapos itong magsumite ng mga supplemental affidavit, at kinumpirmang naipadala na ang pormal na abiso sa tanggapan ng senador.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain noong Pebrero 25, 2026 ng nasabing grupo na pinamumunuan ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno, kung saan iginiit nilang ang patuloy na pagliban ng mambabatas habang tumatanggap ng sahod mula sa pondo ng bayan ay malinaw na pagpapabaya sa tungkulin at pag-abuso sa pribilehiyo.
Kaugnay nito, hiniling ng grupo sa Senado na patawan ng kaukulang parusa si Dela Rosa at suspindihin ang kaniyang buwanang sahod alinsunod sa prinsipyong “no work, no pay.”