Hinikayat ng ilang lider ng Simbahan ang lahat ng mga sangkot sa nabunyag na malawakang korapsyon sa flood control project na ibalik ang lahat ng mga ibinulsa at ninakaw na pera ng gobiyerno.
Sa forum na inorganisa ng Clergy for Good Governance, hinimok ni Rev. Msgr. Manny Gabriel ang lahat ng ‘responsable at nakibahagi’ sa naganap na malawakang korapsyon na pagsisihan ang kanilang ginawa.
Giit ni Msgr. Gabriel, ang tunay na pagsisisi ay may kasamang pagbabalik sa lahat ng mga ninanakaw.
Katwiran ng Catholic leader, walang paghilom kung walang hustisiya, kaya’t mainam lamang aniya na ibalik ng mga magnanakaw ang kanilang ninakaw upang magamit ito ng mga Pilipino na kanilang pinagnakawan.
**
Hinatulan ng guilty si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 kaugnay sa kasong Qualified Trafficking in Persons.
Ang hatol ay may kinalaman sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban kung saan daan-daang manggagawa ang nailigtas sa isang raid.
Ipinataw ng korte ang parusang reclusion perpetua na katumbas ng habambuhay na pagkakakulong.
Si Guo ay naging sentro ng kontrobersya matapos lumabas ang mga alegasyon ng kanyang kaugnayan sa mga Chinese nationals at sa iligal na POGO hub.
Bukod sa trafficking, naging usapin din ang kanyang pagkakakilanlan at citizenship na lalong nagpasidhi ng interes ng publiko.
***
Tumaas ang presensya ng Chinese Coast Guard at maritime militia vessels malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea, ayon sa ship-tracking data nitong nagdaang tatlong araw.
Lumilitaw na nagmula ang mga barko mula sa mainland China, Paracel Islands, Bajo de Masinloc at iba pang bahagi ng Spratly Islands bago kumilos papalapit sa Pag-asa Island.
Ayon kay retired US Air Force Col. Ray Powell ng SeaLight, nagkaroon ng malaking “redeployment,” kung saan maraming barkong dating nakapwesto sa Scarborough Shoal ay lumipat patungong Subi Reef, kabilang ang walong militia vessels at China Coast Guard vessel 3305.