Nasawi ang siyam na kataong sakay ng isang Learjet 60 matapos itong bumagsak at sumabog sa isang residential area sa Palm Beach County, Florida, United States nitong Linggo, Nobyembre 1.
Kinumpirma ni US Transportation Secretary Sean Duffy na walang nakaligtas sa mga sakay ng pribadong eroplano.
Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), bandang alas-12:50 ng tanghali, lokal na oras, nang bumagsak ang Learjet sa lugar malapit sa Cresthaven, Florida.
Mula sa Austin-Bergstrom International Airport sa Texas ang eroplano at patungo sana sa North Eleuthera Airport sa Bahamas.
Nagliyab umano ang eroplano nang tumama ito sa lupa, na nag-iwan ng malaking hukay at kalat-kalat na mga debris sa paligid ng pinangyarihan.
Samantala, nasa 600 residente ng isang kalapit na mobile home community ang inilikas dahil sa pinsalang dulot ng pagbagsak ng eroplano.
Wala pang naiuulat na nasawi o nasugatan sa mga tao sa lupa, ayon sa mga opisyal.
---
Balak ng administrasyon ni US President Donald Trump na ipa-deport ang higit 150 Afghan immigrants pabalik sa kanilang country of origin na Afghanistan sa pamamagitan ng Pakistan.
Kaugnay iyan ng ipinataw ni Trump na travel ban laban sa ilang mga bansa, kabilang ang Afghanistan, bilang bahagi ng agresibong kampanya ng kaniyang administrasyon laban sa mga ilegal na dayuhan.
Layon din ng kautusang itong tuldukan ang deportation protection para sa mga Afghans, kung saan ang ilan pa rito ay ipinagkalooban na ng special immigrant visa kasunod ng pagsakop ng pwersa ng mga Taliban sa kanilang bansa noong 2021.
Kabilang din sa mga nakatakdang ipa-deport ang mga kamag-anak ng mga Afghan na nagbigay-tulong sa militar ng US bago bumagsak ang Kabul sa kamay ng mga Taliban, ayon sa Afghan group na AfghanEvac.
Bagama’t hindi direktang maipapabalik ng US ang mga Afghans sa Afghanistan, makikipag-ugnayan naman ito sa Pakistan upang pangasiwaan ang pagpapa-deport sa mga ito pabalik sa kanilang bansa.
Kaugnay naman ito ng tumatabang na ugnayan ng Pakistan at Afghanistan kasunod ng pagsakop ng mga Taliban sa Kabul na siya namang nag-udyok sa Islamabad na magpatupad ng repatriation policy laban sa mga Afghan citizens na walang visa sa Pakistan.
Nakatakdang lumipad ang unang flight lulan ang mga nasabing immigrants sa Lunes.
Saamantala, sa kabila naman ng pagpapatupad ng general amnesty ng mga Taliban sa mga Afghan na nakipag-ugnayan sa pwersa at pamahalaang Kanluran, naitala pa rin ng United Nations ang ilang insidente ng krimen, abuso, at extrajudicial killings laban sa mga ito.