Skip to content

November 2 - 7 am NEWS

November 2 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 02, 2026 | 7:44 AM

Negatibo pa rin ang pananaw ng mga negosyante sa ekonomiya nitong Setyembre dahil sa mahal na bilihin at enerhiya, paghina ng piso, at tensiyon sa Middle East.

Sa Business Expectations Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), bahagyang umangat ang business confidence index sa −8.4 mula −10.9 noong Agosto. Ngunit, mas marami pa rin ang negatibo kaysa positibo ang pananaw.

Humina naman ang kumpiyansa para sa mga susunod na buwan. Bumaba sa 20.9 mula 24.6 ang index para sa susunod na tatlong buwan, habang bumagsak sa 26.5 mula 36.4 ang para sa susunod na isang taon.

Bagama’t positibo pa ang dalawang index, lumiit ang lamang ng mga may pag asa.

Lalong lumakas ang pangambang hihina ang piso. Bumagsak sa −47.7 mula −12.0 ang exchange-rate expectations index para sa kasalukuyang buwan. Na¬ging negatibo rin ang mga index para sa susunod na tatlong buwan at isang taon.

Ibig sabihin, mas marami ang umaa¬sang hihina ang piso kaysa sa mga naniniwalang lalakas ito.

Inaasahan ng mga respondent na aabot sa average na P62.75 kada dolyar ang palitan sa Disyembre 2026 at P62.98 sa Setyembre 2027. Mga pagtaya ito noong isinagawa ang survey nitong Setyembre, hindi ang kasalukuyang palitan.

Dumami rin ang mga negosyong umaasang tataas ang interes sa pautang.

Umakyat sa 20.3 mula 15.4 ang borrowing-rate expectations index para sa susunod na tatlong buwan. Tumaas din sa 9.2 mula 8.2 ang para sa susunod na isang taon.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 4 hanggang 30. Sumagot ang 257 kompan¬ya mula sa 515 na kabilang sa sample sa buong bansa. (Eileen Mencias)

---

Para mas mapatatag ang suplay ng langis at kuryente sa bansa, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Energy Committee, ang pakikipag-ugnayan sa United Arab Emirates (UAE) sa pamamagitan ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC).

Layunin nitong magtayo ng isang malaking imbakan ng langis na magsisilbing regional oil hub.

Sa ginanap na bilateral discussions noong 29 Oktubre, ipinahayag ng delegasyon ng Pilipinas—sa pamumuno ni Tulfo kasama sina Philippine Ambassador to UAE H.E. Alfonso Ver at Special Envoy Kathryna Yu-Pimentel na kayang maisakatuparan ang oil hub sa pamamagitan ng pagtutulungan ng magkabilang pamahalaan at ng mga pribadong kompanya.

“Pinapabilis natin ang pagtatayo ng imbakan ng la¬ngis dahil malaki ang maitutulong nito sa mga Pilipinong nahihirapan tuwing nagmamahal ang presyo ng petrolyo at kuryente dahil sa wala talaga kami masyadong access sa suplay,” pahayag ni Tulfo sa mga kinatawan ng UAE. (Dindo Matining)