Skip to content

November 2 - 6 am NEWS

November 2 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 02, 2026 | 7:13 AM

Nakatakdang dumating ngayong araw, Nobyembre 2 ang 14 na mga Filipino Seafarers na nailigtas mula sa drone attacks.
Ayon sa Department of MIgrant Workers (DMW) na ang 14 a y lulan ng Liberian flagged container ship matapos na atakihin sila ng drone noong Oktubre 28.
Galing ng Haifa,Israel ang barko nila patungo sa Constanta, Romania ng maganap ang drone attack.
Nailigtas sila ng mga otoridad ng Bulgaria at darating ang mga ito sa Clark International Airport ngayong Lunes.
Tinulungan sila ng Labor Office ng Philippine Embassy sa Budapest kung saan pumunta sa Varna, Bulgaria ang staff member nila na si Sheila May Navasquez para tignan ang lagay ng kalusugan nila at magbigay ng tulong pinansiyal.
Kuwento ng mga nakaligtas ng Pinoy seafarers na sa unang drone strike ay pinayuhan agad sila ng kapitan ng barko na tumalon agad kung saan umabot pa sa dalawang oras bago sila mailigtas.

***
Handa na ang panig ng mga biktima ng drug war na iharap ang kanilang mga ebidensya at witnesses sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.
Inihayag ni Atty. Neri Colmenares, legal counsel ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, na ang status conference ngayong Nobyembre 2 ang huling pagkakataon upang plantsahin ang mga detalye ng trial.
Nakahanda na ang kanilang opening statements at mga ebidensyang magpapatunay sa naging papel ni Duterte at sa epekto ng kampanya kontra droga sa buhay ng mga biktima.
Tinatayang nasa 60 hanggang 70 witnesses ang maaaring iharap ng prosecution habang may 52 stipulations pa ang posibleng pagkasunduan ng magkabilang panig.
Bagama’t may limitasyon sa budget ang legal team para sa pagpunta sa Netherlands, tiniyak ni Colmenares na magkakaroon pa rin sila ng opisyal na kinatawan sa pagdinig.

***
Sasalubong sa unang lingo ng Nobiyembre ang malakihang dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Batay sa datus na inilabas ng Department of Energy (DOE), tataas ang presyo ng gasolina ng hanggang P3.50 kada litro.
Inaasahan namang bababa ang presyo ng diesel ng hanggang P1.00 kada litro habang ang kerosene ay magkakaroon din ng rollback na aabot sa P1.90.
Kadalasang ipinapatupad ang price adjustment tuwing araw ng Martes.


---

Iginiit ng Presidential Task Force on Media Security na hindi sapat ang pag-aresto sa mga suspek sa pag-atake sa mga mamamahayag at dapat tiyaking umuusad ang mga kaso hanggang sa mapanagot ang mga salarin.

Kasabay ito ng paggunita sa International Day to End Impunity for Crimes against Journalists nitong Nobyembre 2.

Pinuri ng PTFOMS ang Philippine National Police sa pag-aresto sa isang suspek sa pananambang kay radio broadcaster na si Jay Lavapiez noong Hunyo 22 sa Roxas City, Capiz.

Naaresto ang suspek na kinilala sa alyas na Doming noong Oktubre 30 sa Tapaz, Capiz.

Nakaligtas si Lavapiez matapos imaniobra ang kaniyang sasakyan palayo sa mga salarin na pinaputukan siya habang patungo sa kaniyang programa sa radyo.

Ayon sa PTFOMS, mahalagang maimbestigahan nang maayos ang mga kaso at maiharap sa korte ang mga responsable upang matiyak ang hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya.

Hinimok din nito ang publiko na magbigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon sa mga awtoridad upang makatulong sa paglutas ng mga krimen laban sa mga mamamahayag.