Skip to content

November 19 - 8 am NEWS

November 19 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 19, 2026 | 9:14 AM

Itinunog na ang alarma ng krisis sa mga estado ng Fiji at Tonga sa South Pacific kaugnay ng matinding tagtuyot na naranasan nito dulot ng penomena ng El Niño.

Ayon sa pamahalaan ng Fiji, ang patuloy na paghagupit ng tagtuyot ng El Niño sa rehiyon ay pumapalo na sa “crisis thresholds” — bagay na nag-udyok sa pagdeklara ng nationwide disaster.

Pagbabahagi ni Fiji Prime Minister Sitiveni Rabuka, matinding pag-aalala sa supply ng tubig at iba pang pinsalang maidudulot ng matagalang tagtuyot ang hinaharap ng mga pamilya sa kanilang bansa.

“Families across Fiji are concerned about the availability of water and the impacts of prolonged dry conditions on their daily lives,” ani Rabuka nitong Miyerkules.

Ayon sa mga lokal na ulat, lumagapak sa nakababahalang antas ang supply ng tubig sa bansa kung saan dose-dosenang truck ang ipinadadala ng awtoridad para makapaghatid ng supply sa mga nayong hinagupit ng tagtuyot.

Samantala, naitala rin sa Tonga ang naturang krisis kung saan idineklara ang 27 araw ng state of emergency dahil sa kakulangan sa supply ng tubig dulot ng malawakang tagtuyot.

Ayon kay Acting Prime Minister Viliami Latu, makatutulong ang pagdeklara nito sa mga emergency services na tumugon sa pangangailangang may kinalaman sa naturang krisis.

“Recent reports have shown the devastating impacts on people, water resources, agriculture and livestock, with potential consequences for the health of people across Tonga,” saad ni Latu.

---

Sa ikatlong pagkakataon nitong linggo, inatake muli ng pwersa ng Ukraine ang Crimean Bridge, ayon sa isang opisyal ng Russia.

Kinumpirma ito ng Moscow-installed Crimea governor Sergei Aksyonov, kung saan pansamantalang ipinasuspinde nito ang trapiko sa nasabing tulay.

Ang Crimean Bridge ang tanging nagsisilbing ugnayan ng Taman Peninsula ng Russia at ng Crimea na inokupa ng pwersa ng Russia noong 2014.

Nitong nagdaang araw, nauna nang naitala ng panig ng Russia ang dalawa pang pag-atake sa tulay kung saan gumuho ang bahagi nito sa katubigan ng Kerch Strait.

Matagal nang mainit sa mata ng Ukraine ang naturang estruktura dahil sa politikal na kahalagahan nito sa Moscow at bilang taktiko sa pagpilay sa pwersang militar nito.

Naitala rin ang mga pag-atake sa kasagsagan ng pagpupulong ni Russian President Vladimir Putin kay US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping nitong Huwebes para sa ika-33 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzen, China.

Samantala, patuloy namang nagbababa ng air raid warnings ang Ukraine sa ilang mga karatig-distrito sa labas ng kabisera nito sa Kyiv.

Kasunod ito ng pagkasawi ng apat na katao mula sa drone attack ng Russia sa lungsod ng Odessa nitong Miyerkules, ayon sa gobernador nitong si Oleh Kiper.

Taktiko rin ng panig ng Russia ang pagpapabagsak ng tulay sa Ukraine, kung saan nitong mga nakaraang araw, sinubukan nitong i-target ang tulay sa Dnipro River ng Kyiv na nagdulot ng pagkaantala ng trapiko, at pagkawala ng supply ng kuryente at tubig sa rehiyon.