Nanawagan ang ilang pangunahing business groups na ibalik ng pamahalaan ang mahigit P107 bilyon na pondo ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na nailipat sa National Treasury.
Ayon sa kanila, ang paggamit ng pondong ito bilang dibidendo ay nagdudulot ng panganib sa katatagan ng sistemang pinansyal ng bansa. Iginiit ng mga grupo na ang PDIC ay dapat manatiling may sapat na reserba upang matiyak ang proteksiyon ng mga depositors sakaling magkaroon ng krisis sa sektor ng pagbabangko.
Binanggit nila na ang hakbang ng Department of Finance ay nagtatakda ng masamang precedent na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa mga bangko.
Inaasahang mas maraming low-income electricity consumers ang makatatanggap ng mas mababang bayarin sa kuryente matapos padaliin ng Department of Energy (DOE) ang pag-access sa subsidies sa ilalim ng Lifeline Rate Program.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, pinasimple na ang enrollment process para sa 4Ps beneficiaries at iba pang kuwalipikadong marginalized consumers sa pamamagitan ng automated data validation gamit ang beneficiary lists ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa bagong sistema, hindi na kailangang magsumite ng dokumento ang mga 4Ps households, habang magsasagawa naman ang mga social worker ng field validation para sa mga non-4Ps households upang matiyak ang kanilang eligibility.
**
Lalo pang pinalakas ng pamunuan ng DSWD Eastern Visayas ang pagpapatupad nito ng mga aktibidad sa ilalim ng ‘Walang Gutom Program’ ng ahensya sa iba’t-ibang lalawigan sa rehiyon.
Layon ng hakbang na ito na maipagpatuloy ang mga serbisyo sa mga benepisyaryo nito.
Pinalakas rin ang iba pang mga programa katulad ng TESDA Biometric-Enabled Scholarship Registration System.
Isinagawa naman sa bahagi ng Samar ang TESDA Entrepreneurship Training at BBM Serbisyo Registration at Commodity Price Survey sa Pinabacdao
Ang mga aktibidad na ito ay naglalayong matiyak na maayos na ipinatutupad ang mga programa ng gobyerno maging ang paghahatid ng suporta sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga benepisyaryo.