Nagresulta sa 32 pag-aresto ang apat na araw na operasyon ng Winnipeg Police laban sa human trafficking at sexual exploitation mula Nov. 12 hanggang 15. Nakipagtulungan ang counter-exploitation unit sa RCMP at Manitoba Criminal Intelligence Centre para pigilan ang street-level at online exploitation.
Arestado ang mga lalaking edad 18 hanggang 75 sa iba’t ibang lokasyon sa lungsod, at kinasuhan ng pagkuha o pakikipag-ugnayan para kumuha ng bayad na sexual services. Pinalaya sila sa undertakings at may naka-schedule na court appearance.
Nag-impound din ng 15 sasakyan sa ilalim ng Highway Traffic Act, na nagbibigay-daan sa pagkumpiska ng mga sasakyang ginagamit sa prostitution-related offences. Bukod dito, nakausap ng pulisya ang 25 indibidwal sa sex trade para magbigay ng resources at tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Hinimok ng pulisya ang publiko na i-report ang anumang exploitation concerns sa Winnipeg Police, RCMP o Crime Stoppers.
**
Isang bagong report ng Institute for Canadian Citizenship ang nagpakita na isa sa bawat lima na bagong dating sa Canada ay umaalis sa loob ng 25 taon, at karamihan sa kanila ay umaalis sa unang limang taon ng kanilang paninirahan.
Ipinapakita ng “Leaky Bucket” report na mas mataas ang chance na umalis ng highly skilled immigrants, kabilang ang mga may doctorate, kumpara sa mga may lower education o skill level. Ang mga field na may pinakamataas na out-migration ay business at finance management, information technology, at engineering.
Base sa trend na ito, tinatayang mahigit 20,000 sa 380,000 permanent residents na inaasahang papasok sa Canada next year ay maaaring umalis pagsapit ng 2031.
Nanawagan ang institute sa gobyerno na gumawa ng talent retention strategy para hikayatin ang skilled newcomers na manatili sa bansa sa long-term. Ang report ay nakabase sa tax data analysis, kung saan tinukoy ang isang newcomer na umalis kung hindi siya nag-file ng tax ng dalawang sunod-sunod na taon at wala sa 2022 tax records.