Skip to content

November 19 - 7 am NEWS

November 19 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 19, 2026 | 7:46 AM

Matapos ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Malacañang ay bumiyahe na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. patungong Shenzhen, China nitong Miyerkoles ng hapon para dumalo sa 33rd APEC Economic Leader’s Meeting batay sa imbitasyon ni Chinese President Xi Jinping.

Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na bilang Chairman ng ASEAN ngayong taon, dadalhin niya sa APEC ang mga napagtibay sa katatapos na ASEAN summit, kabilang na ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement, ang kauna-unahan sa buong mundo na napagtibay sa Manila.

Parehong iisa aniya ang layunin ng APEC at ASEAN: ang maging bukas, konektado at inklusibong rehiyon kung saan ang tunay na paglago at napapanatiling kasaganaan ay nangyayari kapag sama-samang nagtulungan at maalis ang mga balakid.

“We will engage China constructively on expanding trade, investment, and people-to-people exchanges that benefit our peoples, even as we remain steadfast in upholding our national interest,” paglalahad ng Pangulo.

Sa sidelines ng APEC, sinabi ng Pangulo na makikipagpulong ito sa mga kapwa lider at mga negosyante sa China para mapalalim pa ang ugnayan at manghikayat ng pamumuhunan. (Aileen Taliping)

---

Dumami ng halos walong ulit ang bilang ng mga barangay na may aktibong kaso ng African swine fever (ASF) nitong Oktubre 2026 kumpara noong nakaraang taon kung kailan may naaprubahan nang bakuna laban sa ASF ang pamahalaan.

Sabi ng United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service, “ASF remains a threat to local production. Data from the Bureau of Animal Industry indicate that the number of barangays or villages with active ASF cases rose in October 2026 to nearly eight times the October 2025 level.”

Babala ng USDA FAS Manila sa November 16 report, kailangang maparami ng bansa ang produksiyon nito ng baboy dahil maaaring magkulang ang suplay pagpasok ng 2027 dahil sa ban sa pag-angkat ng baboy.

Noong Setyembre 2, inanunsiyo ng Department of Agriculture na pinayagan na ng Bureau of Animal Industry ang pagbebenta ng AVAC ASF LIVE, ang unang bakuna laban sa ASF ng Vietnam.

Sinalanta ng ASF ang hog industry ng bansa na unang inaming pumasok noong 2019. Lumala ang epekto nito nu’ng 2021 at muling lumakas ang dagok noong second half ng 2024. (Eileen Mencias)