Hindi sinagot ni United States President Donald Trump ang tanong kung handa ba ang Amerika sakaling hilingin ng Pilipinas ang tulong sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) kaugnay ng tensiyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Trump, wala siyang pakialam sa isyu at mayroong mag-aayos nito.
Sinabi niya ito bago ang kanilang bilateral meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang nitong Miyerkoles, Nobyembre 18, bilang bahagi ng kanyang state visit sa Pilipinas.
“I’m not concerned about that at all. That’ll be taken care of,” sabi ni Trump.
Nangangako ang Pilipinas at Estados Unidos na magtutulungan para depensahan ang dalawang bansa sakaling magkaroon ng armadong pag-atake laban sa dalawang bansa.
Samantala, posible umanong mawalan ng saysay ang panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea kung hindi ito magkakaroon ng legal na bisa na naglilimita sa agresibong pagkilos ng China sa pinag-aagawang karagatan.
**
Ipinag-utos ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office na palayain ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 200 indibiduwal na kabilang sa “Lakbayan ng Timog Katagalugan” na inaresto noong Nobyembre 15 kaugnay ng mga kilos-protesta sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Sa resolusyon na nilagdaan ni Senior Assistant City Prosecutor Elvin Keith Barrios at inaprubahan ni City Prosecutor Aileen Marie Gutierrez, inatasan ng piskalya ang lahat ng respondent na palayain ang mga inaresto maliban kung mayroong legal na batayan para sa patuloy na kustodiya sa mga ito.
Tinabla rin ng piskalya ang kahilingan na ilipat ang mga inarestong raliyista sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, City.
Inanunsyo ng Lakbayan ng Timog Katagalugan sa Facebook page nito ang desisyon ng piskalya para sa 236 indibiduwal na inaresto ng pulisya.
**
Binatikos ni House impeachment prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang kampo ni Vice President Sara Duterte matapos umano itong magpokus lamang sa pagpapalabas ng mga lumang video mula sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona sa halip na sagutin ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Chua na malinaw na nagpapa-pogi at nagpapakita lamang ng naratibo ang depensa para sa kanilang mga tagasuporta upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu.
Sinang-ayunan naman ito ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na nanawagan ng direktang paliwanag sa halip na mga “spliced na videos.”
Iginiit ni Adiong na bilang halal na opisyal, tungkulin ni Duterte na ibigay sa taumbayan ang tamang impormasyon.