Skip to content

November 18 - 7 am NEWS

November 18 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 18, 2026 | 7:39 AM

Nagpahayag ng pagdududa si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa mga napurnadang bidding sa Department of Health (DOH).

Ayon kay Remulla, kung maraming failed bidding sa DOH ay posibleng may nagpa-park umano ng pondo ng ahensiya.

“Baka parked money iyan, dati pina-park. Ganun ba ‘yun kaya pine-fail nila?” tanong ni Remulla sa isang radio program.

Aniya, malaking ha¬mon ito ng bagong kalihim ng DOH na si Dr. Edwin Mercado kaya kailangang ipakita nito ang kanyang leadership sa ahensiya.

“Ang kailangan ng health sector natin, leadership. Please assert your leadership. Work for the benefit of the people,” giit ni Remulla.

---

Inilunsad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pagsasama ng artificial intelligence (AI) sa kanilang Panahon app para mapahusay ang weather forecasting sa bansa.

Sa ulat, nakipagtulungan ang Pagasa sa Advanced Science and Technology Institute at US-based firm na Atmo para bumuo ng high-resolution weather forecasting model gamit ang lokal na meteorological data.

Ayon sa ahensya, kung nakakapagbigay ng karaniwang limang araw na forecast ang traditional model, kaya naman anila ng AI model na magbigay ng forecast hanggang 14 na araw.

Nilinaw din ni Pagasa Administrator Nathaniel Servando na patuloy pa ring gagamitin ng ahensya ang Numerical Weather Prediction (NWP) habang pinag-aaralan at pinauunlad ang AI model.

Ayon naman kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., kayang magbigay ng localized forecasts ang AI technology ng hanggang two-kilometer grid resolution at magproseso ng datos kada 15 minuto.

Inaasahang makatutulong ang teknolohiya sa mas maagang flood warning, proteksiyon sa mga pananim at pagpapalakas ng kahandaan ng mga komunidad sa masamang panahon.

---

Naghain si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ng resolusyon upang paimbestigahan ang mga legal na proteksiyon para sa mga komunidad na apektado ng mga aktibidad ng eksplorasyon ng pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa House Resolution 1602, nais ni De Lima na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang mga isyung may kaugnayan sa pagpapatupad ng Exploration Permit No. 2911 na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) sa North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC), partikular ang pagsunod sa mga regulasyon sa kapaligiran, mga batas sa pagmimina at lokal na pamamahala, at mga requirement para sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC).