Nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kahit malayo sa Pilipinas ang isang kaguluhan o krisis, maaari pa rin itong makaapekto sa presyo ng pagkain, enerhiya at kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa kanyang opening remarks sa 29th ASEAN Plus Three Summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay City nitong Martes, sinabi ng Pangulo na nararamdaman ng mga mamamayan sa East at Southeast Asia ang epekto ng pandaigdigang ekonomiya sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
“A disruption thousands of miles away can reach households across East and Southeast Asia through the price of rice, the cost of energy, or the loss of a day’s income,” ayon kay Marcos Jr.
Dahil dito, sinabi ng Pangulo na dapat maramdaman ng mga mamamayan ang pakinabang ng pagtutulungan ng mga bansa sa rehiyon.
“The benefits of regional cooperation, in turn, should be just as tangible and reach our peoples with the same urgency,” aniya. (Prince Golez)
---
Nagbigay ng pananaw si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson sa umano’y “honest mistake” sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Ani Lacson, ang isang “honest mistake” ay maaaring maging isang “double-edged sword”, maaari itong isang hindi sinasadyang pagkakamali na naglalantad ng katotohanan, o tunay na pagkabulag sa isang bagay na nagiging dahilan upang mapagkamalang katotohanan ang kasinungalingan – at tanging ang taong nasa likod nito ang makapagsasabi kung alin dito ang naganap.
Nauna rito, iginiit ng dating chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo na nagkaroon lamang ng “honest mistake” si Duterte nang isama nito ang GenCorp Industries Inc. sa kanyang SALN.
“‘HONEST MISTAKE’”: It is a double-edged sword. Its meaning depends on the state of mind and intent of the person behind it. It can be an inadvertent slip that exposes the truth, or a genuine blind spot that mistakes falsehood for reality. Ultimately, only the person responsible can say which is which,” pahayag ni Lacson sa X.
Si Panelo, ama ni Salvador Paolo Panelo Jr. na tagapagsalita ng Bise Presidente, ay nagsabing nagkamali lamang si Duterte nang ideklara nitong business interest ang GenCorp sa kanyang SALN. (Dindo Matining)