Skip to content

November 17 - 8 am NEWS

November 17 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 17, 2026 | 9:15 AM

Tinamaan sa mukha ng isang rosaryo si Pope Leo XIV habang sakay ng kaniyang popemobile at bumabati sa mga taong nag-aabang sa kaniya sa Lima, Peru.

Nangyari ang insidente noong Lunes, November 16, habang patungo ang Santo Papa sa kaniyang farewell Mass sa Las Palmas Air Base bilang bahagi ng pagtatapos ng kaniyang 12-araw na pagbisita sa South America.

Batay sa video ng pangyayari, isang bagay na pinaniniwalaang rosaryo ang inihagis mula sa karamihan at tumama sa bahagi ng mukha ng Santo Papa, malapit sa kaniyang kanang mata.

Makikita ring napangiwi si Pope Leo at hinawakan ang kaniyang mukha matapos tamaan. Gayunman, nagpatuloy siya sa pagbati sa mga deboto at itinuloy ang nakatakdang misa.

Wala namang naiulat na malubhang pinsala sa Santo Papa dahil sa insidente.

---

Inanunsyo ni Mongolian President Ukhnaa Khurelsukh ang pagbibitiw nito sa puwesto nitong Martes, Nobyembre 17, kasunod ng mga akusasyon ng korapsyon at pagbabanta ng impeachment laban sa kanya.

Kaugnay ito ng inilabas na pahayag ng oposisyon ng Democratic Party nitong Lunes kung saan isinasangkot si Khurelsukh sa kasong graft at nanawagang bumaba ito sa kaniyang puwesto bilang pangulo o humarap sa impeachment sa Parlamento.

Ani Khurelsukh, walang basehan ang mga naturang paratang sa kanya at nagmarapat na lamang na bumaba sa puwesto para linisin aniya ang kaniyang pangalan.

“I believe that it is in the interests of justice for the Head of State to relinquish his duties and establish the truth,” saad ng pangulo.

“Therefore, I officially announce that I will relinquish the honourable duties of the president of Mongolia. I will refer those who have defamed my reputation to the relevant authorities and seek to restore my good name,” dagdag nito.

Nitong mga nagdaang buwan, nasaksihan sa estado ng Mongolia ang kaguluhan sa pulitika, pati na rin ang mga tensyon sa loob ng namumunong Mongolian People’s Party (MPP).

Nasaksihan din ang ilang mga demonstrasyon at protestang ikinasa ng mga kabataan sa Ulanbataar bitbit ang kanilang dismaya sa mayayamang elitista at ang anila’y laganap na kawalan ng katarungan.

Nakatakda namang pumalit sa puwesto bilang pangulo ng Mongolia ang Parliament speaker na si Sandag Byambatsogt mula sa MPP sa loob ng apat na buwan bago magsagawa ng presidential elections.