Pinag-iingat ng gobyerno ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa abroad partikular sa Asya na huwag basta maniwala sa alok na visa-free entry para magtrabaho sa abroad.
Ang babala ay inihayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac matapos pagtibayin ng mga lider ng ASEAN ang Declaration on Fair, Ethical and Sustainable Recruitment for Empowered Migrant Workers sa 49th ASEAN Summit na ginaganap sa bansa.
Sinabi ni Cacdac sa press briefing sa International Media Center na walang masama sa visa-free system subalit kailangang bigyang-diin na ito ay para sa mga tu¬rista at hindi para sa mga may planong magtrabaho sa ibang bansa.
Ang visa-free entry ang ginagamit aniya ng mga sindikato ng human trafficking para maka-recruit at masadlak sa mga scam hubs sa ilang bansa sa Asya.
Sa kasalukuyan, ani Cacdac, ay mayroong halos 100 Pilipinong na-trap sa scam hubs sa Myanmar at minamanmanan ngayon ng mga awtoridad kasama ang Philippine embassy¬ sa Yangon. (A¬ileen -Taliping)
---
Itinaas ng Supreme Court (SC) ang halagang matatanggap na danyos ng mga biktima ng rape at iba pang krimen upang mas tumugma ito sa bigat ng krimen at pinsalang dinanas ng mga biktima.
Sa desisyon ng SC En Banc sa People v. Flores noong Nobyembre 4, itinaas sa P325,000 bawat isa mula P100,000 ang civil indemnity, moral at exemplary damages sa kasong qualified rape of a minor.
Sa acts of lasciviousness, itinaas naman ang mga ito sa P175,000 bawat isa mula P50,000.
Ang bagong halaga ay itinakda sa kaso ng isang batang babae na anim na taong gulang nang mangyari ang pang-aabuso.
Ayon sa SC, kailangang baguhin ang halaga ng danyos dahil nagbabago rin ang presyo ng mga bilihin at gastusin sa pamumuhay. Hindi rin sapat na pera lamang ang maging batayan dahil hindi nito kayang tumbasan ang pinsalang dulot ng seksuwal na karahasan sa biktima.
Iniutos ng SC na gamitin ang bagong halaga ng danyos sa lahat ng kasong kriminal. Maaari pang dagdagan ng mga hukom ang kabayaran depende sa bigat at mga pangyayari ng krimen. (Prince Golez)