Skip to content

November 17 - 6 am NEWS

November 17 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 17, 2026 | 6:49 AM

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Transportation (DOTr) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na operasyon ng EDSA Busway.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, pinabibilisan na niya ang proseso ng paglalaan ng pondo para sa maintenance at pagkukumpuni ng mga pasilidad sa EDSA Busway.
Habang wala pang nakalaang budget, sinimulan na rin ng kagawaran ang pagsasaayos ng mga hindi gumaganang elevator at escalator upang mapagaan ang pagbiyahe ng mga pasahero, partikular ang mga senior citizen, persons with disability at iba pang commuter na nangangailangan ng naturang pasilidad.
Tiniyak naman ni Dizon na kabilang sa mga prayoridad ng DOTr ang mabilis na pagkukumpuni ng mga pasilidad at pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa operasyon ng Busway.

**

Hinimok ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang kampo ni Vice President Sara Duterte na magsampa ng pormal na reklamo kaugnay ng umano’y pagbabanta at sapilitang pagpapapirma sa isang dating household staff ng Bise Presidente.
Ito ay matapos ihayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe mula sa dating tauhan na humihingi ng tulong at at pagsagip sa Maynila. 
Ayon kay Panelo, natanggap ang mensahe dakong alas-11:19 ng gabi noong Lunes, Nov. 16. Nakasaad umano rito na nasa kustodiya o kontrol ng ilang indibidwal ang dating staff, pinagbabantaan ang buhay at pinipilit na lumagda sa isang dokumento na tinanggihan nitong pirmahan. 
Samantala, inihayag naman ni Matibag na dapat direktang lumapit sa mga awtoridad ang kampo ni Duterte kung may tunay na banta at nais nitong maimbestigahan ang insidente.
Hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang pang-seguridad para sa mga nalalabing aktibidad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.
Kasabay nito, nilinaw ng PNP na hindi nila pinagbabawalan ang mga naarestong raliyista na mabisita ng kanilang mga kamag-anak at abogado sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon kay PNP spokesperson PBGEN Allen Rae Co, nagpapatupad lamang sila ng mas mahigpit na regulasyon dahil isang kampo ng pulisya ang pinagdalhan sa mga inarestong indibidwal.
Bukod sa paghihigpit ng seguridad, pinuna rin ni Co ang pagdadala ng mga bata ng ilang raliyista sa gitna ng mga kilos-protesta.
Iginiit ng opisyal na posibleng ginagamit lamang ng mga militante ang presensiya ng mga menor de edad upang makakuha ng simpatiya mula sa publiko.