Itinaas ng Supreme Court (SC) ang halagang matatanggap na danyos ng mga biktima ng rape at iba pang krimen upang mas tumugma ito sa bigat ng krimen at pinsalang dinanas ng mga biktima.
Sa desisyon ng SC En Banc sa People v. Flores noong Nobyembre 4, itinaas sa P325,000 bawat isa mula P100,000 ang civil indemnity, moral at exemplary damages sa kasong qualified rape of a minor.
Sa acts of lasciviousness, itinaas naman ang mga ito sa P175,000 bawat isa mula P50,000.
Ang bagong halaga ay itinakda sa kaso ng isang batang babae na anim na taong gulang nang mangyari ang pang-aabuso.
Ayon sa SC, kailangang baguhin ang halaga ng danyos dahil nagbabago rin ang presyo ng mga bilihin at gastusin sa pamumuhay. Hindi rin sapat na pera lamang ang maging batayan dahil hindi nito kayang tumbasan ang pinsalang dulot ng seksuwal na karahasan sa biktima.